466 total views
Kinilala at pinasalamatan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga pari ng arkidiyosesis na nanatiling matatag at malikhain sa pagtupad ng misyon bilang pastol ng simbahan.
Sa Chrism Mass na ginanap sa Manila Cathedra nitong Huwebes Santo, April 14, batid ng arsobispo ang maraming pagbabago sa lipunan lalo na ang dulot ng pandemya na labis ang epekto sa pamayanan kabilang na ang simbahan.
Hinangaan ni Cardinal Advincula ang pagsusumikap ng mga pari para ihatid sa pamayanan si Hesus na nagbibigay ng pag-asa sa mananampalataya.
“My dear brother priests, as your pastor here in the Archdiocese of Manila, I personally thank you for exercising discernment, creativity, and courage in the ministry amid the drastic changes in the world today; I particularly appreciate the sacrifices you had to make during the pandemic. You have dared for newness for the sake of faithfulness to the mission,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Paalala ng arsobispo sa mga pari na hindi ito nag-iisa sa pagtupad ng kanilang misyon kundi kasama nito ang kapwa pastol ng simbahan.
Tiniyak ng cardinal ang buong suporta sa bawat pari bilang punong pastol ng Archdiocese of Manila na mangangalaga sa mahigit 600 mga pari (diocesan & religious) na katuwang sa pangangasiwa sa 93 mga parokya sa limang lunsod.
“My brother priest you are never alone in the ministry, I assure you that you have a father and brother in me and my successors and a brother in the persons of your fellow priests,” dagdag pa ng cardinal.
Mula nang mailuklok na ika – 33 arsobispo ng Maynila ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinangunahan ni Cardinal Advincula ang Chrism Mass at iba pang gawain sa mga Mahal na Araw.
Bukod sa pagsariwa sa pangako ng mga pari binasbasan din ni Cardinal Advincula ang mga Banal na Langis (Oil of the Sick, Oil of the Catechumens, Oil of the Chrism) na ginagamit sa mga sakramento ng simbahan sa buong taon.
Bukod kay Cardinal Advincula at mga pari ng arkidiyosesis dumalo rin sa pagtitipon si Manila Archbishop Emeritus Cardinal Gaudencio Rosales, Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown at Novaliches Bishop Antonio Tobias.