183 total views
Ang nakatakdang Walk for Life sa ika-24 ng Pebrero ganap na alas-kwatro ng madaling araw ay bahagi ng patuloy na pagsusulong sa kasagraduhan ng buhay.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa nakatakdang pagkilos sa ika-24 ng Pebrero.
“You remember that last year we also had a Walk for Life at ngayon itutuloy natin yung Walk for Life and we hope that this would be a continuing effort because and not only a continuing effort but we have to widen this effort because really life issues are still at stake in our time…” pahayag ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito bukod sa Metro Manila kung saan isasagawa sa Quirino Grandstand Parade Grounds, Rizal Park ang pagkilos ay magkakaroon rin ng Simultaneous Walk for Life sa Cebu, Mindanao, North Luzon at South Luzon.
Dahil dito tinatawagan ni Bishop Pabillo maging ang mga hindi Katoliko na makiisa sa paninindigan para sa buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat nilalang.
“Iniimbitahan po natin ang lahat pati na ang pamahalaan, iniimbitahan rin natin yung mga manggagawa, iniimbitahan rin natin yung mga Urban Poor kasi may mga issues sila sa buhay, binubuksan natin ang imbitasyon para sa lahat.” Dagdag pa ni Bishop
Gayunpaman, nilinaw ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na bagamat maaring makiisa ang lahat sa naturang gawain ay hindi naman pahihintulutan ang pagsasalita ng mga pulitiko sa entablado sapagkat ang naturang pagkilos ay nakasentro sa mga layko.
Matatandaang noong ika-18 ng Pebrero ng nakaraang taong 2017 ay umabot sa higit 20-libong indibidwal mula sa 17 mga diyosesis sa bansa ang nakiisa sa isinagawang Walk For Life na isang pagpapakita ng paninindigan ng bawat mananampalataya sa pagsususlong sa kasagraduhan ng buhay.