482 total views
Ito ang payo sa mga kabataan ni Sr. Mary John Mananzan, O.S.B. –Director ng St. Scholastica’s College Institute of Women’s Studies (IWS) sa nagaganap na red-tagging sa iba’t ibang unibersidad sa bansa.
Ayon sa Madre, nalalaman ng mga mag-aaral ang naaangkop na tugon laban sa mga bully o pangmamaliit, pananakot at pang-aapi sa mga inaakalang mahina at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili. Ito ay tulad ng ginagawa ng ilang ahensya pamahalaan sa iba’t ibang institusyon at indibidwal na inaakusahang miyembro o panig sa makakaliwang grupo.
Paliwanag ni Sr. Mananzan, hindi dapat na matakot ang mga mag-aaral sa halip ay dapat na manindigan laban sa mga bully o mga mapang-abuso sa kanilang posisyon at katungkulan. “So, by now you should know what are the tactics of fighting a bully, you know bullies are cowards actually in reality they are not really brave. So, kung kayo ay uurong lalo kayong bu-bully-hin but if you stand your ground e, di sila ang aatras, that is my advice to the students. Use your tactics against bullies sa ginagawa ng administrasyon sa inyo,” ang bahagi ng pahayag ni Sr. Mananzansa panayam sa Radio Veritas.
Matapos ipawalang bisa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang UP-DND accord na nagbabawal sa pagpasok ng mga pulis at militar sa unibersidad, may 18-paaralan at institusyon ang pinangalanan bilang pugad ng CPP-NPA recruitment.
Kinondena rin ng mga paaralan at ilang indibidwal ang walang basehan na pag-uugnay sa kanilang institusyon at pangalan ng AFP sa makakaliwang grupo. Nangangamba rin ang mga paaralan at unibersidad sa paratang ng militar lalu’t inilalantad din nila sa kapahamakan ang mga guro at mga mag-aaral. Una ng humingi ng paumahin at binawi ng AFP ang isinapublikong listahan ng mga pinangalanang UP alumni na sinasabing pawang mga miyembro ng NPA na nadakip at napatay na matapos na magsalita ang ilan sa kabilang sa nasabing listahan.