239 total views
Hindi dapat na manahimik ang lipunan hinggil sa usapin nang pang-aabuso.
Ito ang binigyan diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa mga pagpaslang kontra illegal na droga ng administrasyong Duterte.
Giit ni Bishop Bacani hindi dapat manahimik at maging manhid bagkus ay dapat na magsalita upang hindi maging pangkaraniwan ang mga pagpaslang.
Ayon sa Obispo, hindi nag-iisa ang kaso ng nasawing estudyante na si Kian Delos Santos kundi marami pang iba ang mga naging biktima ng extra judicial killings.
Naging tampok lamang ang kay Kian, lalu’t may mga ebidensya hinggil sa pagkamatay ng bata tulad ng CCTV at mga testigo na nagpapatunay sa pagpaslang.
“Kaya nakakalungkot yan ay pang-abuso, dapat na panagutin ang mga taong yan sa harap ng lipunan. Ako hinihingi ko na patawarin sila ng Diyos, na sila ay makonsensya humingi ng tawad sa Diyos at magtamo ng kapatawaran, subalit sa ating lipunan kinakailangan na ang mga ganyan ay bigyan ng karampatang parusa o pagdisisplina, hindi natin dapat sinasang-ayunan,” ayon kay Bishop Bacani.
Sa tala, may higit na sa 12 libo ang napapaslang dahil sa kampanya kontra droga –kabilang na dito ang napatay sa police operations, maging ng mga tinatawag na vigilante killings, kasama na rin dito ang may 30 mga menor de edad na napapaslang at nadadamay sa operasyon dahil sa illegal na droga.
Una na ring nagpahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi pagtutol sa pagsawata sa illegal drugs, subalit dapat ang lahat ay dumaan sa due process, pagbibigay pagkakataon sa mga nagkasala at ang pag-agapay sa mga naliligaw ng landas sa pamamagitan ng programa sa pagpapanibago.
Read: Pairalin ang batas at hindi pamamayani ng baril
Nananawagan din si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng pakikipagdayalogo upang maiwasan ang pagbubuwis ng buhay sa kampanya kontra iligal na droga.
Read: Reflect, Pray and Act