177 total views
Dapat manindigan at ipagtanggol ng mga layko ang mga misyonero sa bansa na nagtataguyod sa karapatang ng mamamayan.
Ito ang mensahe ni Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity sa mamamayan matapos arestuhin ang 71-taong gulang na Australian Missionary na si Sr. Patricia Fox ng Bureau of Immigration.
“Lalung lalo na ngayon na nasa Year of the Clergy and Consecrated Person dapat pahalagahan at panindigan ang gawain ng ating mga missionaries at marami dyan ay mga clergy at religious. Kaya ang mga lay dapat ay manindigan at magsalita para pahalagahan ang kanilang ginagawa,” paliwanag ng obispo.
Umaasa ang Obispo na hindi matakot ang mga misyonero na ipagpatuloy ang kanilang gawain lalu na sa mga mahihirap na mamamayan sa bansa sa kabila ng nangyari sa madre.
“Dapat panindigan natin, huwag tayong magpapadala sa interpretasyon ng gobyerno. Kasi kung mananahimik tayo dyan, gagawin nila ang gusto nilang gawin at hindi dapat. Ang pagtulong natin sa mahihirap ang pag imbestiga sa irregularities yan ay karapatan ng lahat,” giit ng Obispo.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, matagal nang ginagawa ng madre ang pagmimisyon at wala ring masamang ginagawawa na sa katunayan ay may 27 taon ng nanatili sa Pilipinas.
Si Sr. Fox ay unang inaresto at isinailalim sa imbestigasyon ng Bureau of Immigration dahil sa paglabag sa ‘immigration laws na pinalaya rin makaraang maipakita ng madre ang kaniyang ‘missionary visa’ at pasaporte.
Si Sr. Fox, isang Australian Rural Missionary at volunteer staff ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura ay inaresto noong April 16 dahil sa bintang na pakikiisa sa pagkilos at kabilang din sa dumalo sa International Fact Finding and Solidarity Mission sa Mindanao dahil sa umiiral na batas militar sa rehiyon.
Sa naging pahayag naman ng Pangulong Rodrigo Duterte, inako nito na siya ang nagpa-imbestiga sa misyonero sa dahilang ‘disorderly conduct’ kasabay na rin ng pagbabanta na pag-aresto sa sinumang kaduda-duda at palihim na papasok sa bansa.
Naniniwala naman si Bishop Pabillo na hindi nais ng Pangulong Duterte ang mga kritiko sa kaniyang administrasyon na siyang dahilan ng pag-aresto sa matandang madre.
“Kasi ang presidente natin takot sa criticism, ayaw ng criticism kaya nya ginagawa yan. Matagal nang ginagawa ng mga missionaries yan. Wala naman silang violation na ginagawa, wala namang gawain na hindi karapat dapat at ang freedom of speech para sa lahat hindi lamang sa mga Filipino,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Sa isang pahayag ng Santo Papa Francisco sa pagdiriwang ng ‘World Mission Day 2017’, sinabi nitong ang pagmimisyon sa sambayanan ay hindi lamang pangangalap sa kawan ng Diyos kundi ang pagpapadama sa bawat tao ng malakasakit at pagkalinga lalu’t higit sa mga taong walang tinig para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.