809 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng ingay na dala ng isyu ng pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty, patuloy tayong nagtatanong: ano nga ba ang halaga ng buhay ng tao ngayon?
Para sa ating pangulo at sa kanyang mga kaalyado’t tagasuporta, may mga taong hindi na dapat bigyan ng pagkakataong mabuhay pa dahil sa kasamaang kanilang ginawa. Hindi na ito nakapagtataka dahil mula nang maupo sila sa puwesto, wala nang humpay ang patayang dala ng giyera ng administrasyon kontra iligal na droga. Katwiran pa ng mga nagnanais ibalik ang parusang kamatayan: lubha nang malala ang kriminalidad sa ating bansa kaya’t ang mga adik sa masamang droga, na anila’y nasa likod ng maraming krimen, ay dapat lamang pagpapatayin. Magiging mas epektibo pa ang kampanyang ito ng administrasyon kung ibabalik ang death penalty. Naniniwala silang sa pamamagitan ng pagbibitay, naipaghihiganti ang mga biktima at ang naiwan nilang mahal sa buhay. Ito ang pakahulugan nila ng katarungan.
Mabilis na naghain ang mga kaalyadong mambabatas ng pangulo ng mga panukalang batas upang ibalik ang parusang kamatayan. Sa Kongreso, umabot na sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ang death penalty bill. Nagbabala pa nga ang House Speaker sa mga mambabatas na kabilang sa tinatawag na “super majority” na sila ay maaaring matanggal sa koalisyon kung tututulan nila ang panukalang batas. Hinamon din niya ang publiko na mamilì: extrajudicial killings o death penalty? Sa iyong palagay, mga Kapanalig, alin ang pipiliin ni Hesus?
Samantala, nag-umpisa nang dinigin sa Senado ang anim na panukalang batas na layong ibalik ang parusang kamatayan. Minsan nang sinabi ng isang senador na pinahihintulutan ng Panginoon ang parusang kamatayan dahil nasasaad ito sa Bibliya. Maging si Hesus nga raw ay pinatawan ng parusang ito kaya’t wala raw batayan ang pagtutol ng ilang sektor kabilang ang Simbahan. Ngunit pansamantalang sinuspindi ang pagdinig ng dalawang komite matapos ipaalala ng isang senador na maaaring mapaalis sa puwesto si Pangulong Duterte sa pamamagitan ng impeachment kung lalagdaan niya ang isang batas na labag sa mga pandaigdigang kasunduang may kaugnayan sa death penalty na pinasok ng ating bansa.
Mga Kapanalig, patuloy na naninidgan ang ating Simbahan para sa buhay at dignidad ng tao. Sa pagtatapos ng buwan ng Enero, naglabas ng pahayag ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP na mariing tinututulan ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Ayon sa ating mga obispo, ang mga tumatayong pastol nating mga Katoliko, “Ang Mabuting Balita ni Hesus ay ang Mabuting Balita ng buhay… Bagamat karumal-dumal ang isang krimen, walang taong nagkasala ang hindi maaaring matubos, at wala tayong karapatang sukuan ang taong iyon.”
Sa liham pahayag o pastoral letter na nilabas din noong katapusan ng Enero (bagama’t nakatuon ito sa mga pagpatay dala ng giyera kontra droga), hinihimok ng CBCP tayong mga mananampalataya na pagnilayan ang kahalagahan ng buhay. Pinaalalahanan nila tayong “Ang buhay ng bawat tao ay galing sa Diyos. Ito ay kanyang kaloob at Siya lang ang makababawi nito. Kahit ang pamahalaan ay walang karapatan na kumitil ng buhay sapagkat siya ay katiwala lamang ng buhay at hindi ang may-ari nito.”
Totoong mahirap maibalik sa normal ang buhay ng mga taong biktima ng krimen, ngunit hindi ito dahilan upang kunin ang buhay ng kapwa nating nagkasala sa batas at sa Diyos. Gaya ng matagal nang pinaninindigan ng Simbahan, may mas makataong pamamaraan upang pagsisihan ng mga nagkasala ang kanilang nagawa at mabigyan ng tunay na katarungan ang kanilang mga nagawan ng masama.
Mga Kapanalig, tumintig tayo para sa buhay, hindi lamang dahil tayo ay bahagi ng ating Simbahan kundi dahil tayo ay nabibilang sa sangkatauhang mula sa pag-ibig ng Diyos. Sa panahon natin ngayong tila ba napakababa at napakaliit ng halaga ng buhay at dignidad ng tao, higit na kailangan ang ating paninindigan.
Sumainyo ang katotohanan.