355 total views
Hudyat ng pagpapaigting sa kaligayahang darating ang manunubos.
Ito ang pagninilay ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa ikatlong linggo ng adbiyento o Gaudete Sunday.
Paanyaya ng Cardinal sa mananampalataya na isabuhay ang mga pagbasang umawit ng malakas sa kagalakan sapagkat nalalapit na ang pagdating Panginoong Hesus.
“Sinindihan natin ang kandilang kulay rosas upang ihudyat ang pagpapaigting ng kaligayan sa ating mga puso sa nalalapit na pagdating ng ating tagapagligtas na si Hesukristo sa araw ng Pasko,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Tiniyak ng arsobispo na may saysay ang paghihintay ng mamayan sapagkat darating si Hesus upang magbigay ng pag-asa sa sanlibutan tulad ng Kanyang ipinangako na kapiling at nanahan ito sa bawat Isa, kaisa sa kagalakan hatid ang pagpapanibagong dulot ng pag-ibig.
Bukod dito hinikayat din ni Cardinal Advincula ang mamamayan na tularan ang mga halimbawa ni San Juan Bautista na nanindigan sa katotohanan at kabutihan sapagkat ito ay daan ng pagpili kay Hesus.
“Tuwing pinipinili natin ang mabuti at matuwid, pinipili natin si Hesus. Tuwing naduduwag tayo na gawin ang tama at mabuti dahil nasanay at namihasa na tayo sa masama – nanganganib si Hesus sa puso natin. Jesus is not safe in our hearts. Piliin natin si Hesus,” ani ng cardinal.
Sa liturhiya ng Simbahan hinati sa apat na linggo ang Paghahanda sa Pagdating ng Panginoon kung kailan ang unang linggo ng adbiyento ay panibagong taong liturhiko ng simbahang katolika.