273 total views
June 17, 2020, 9:58AM
Ito ang panawagan ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mamamayan kaugnay sa Anti-Terrorism Act of 2020 na lagda na lamang ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para ganap na maging batas.
Ayon sa obispo, kinakailangang manindigan ang bawat isa na ipagtanggol ang karapatan lalu na sa pamamahayag ng katotohanan na maalis kapag maipatupad ang tinaguriang “terror act”.
“Manindigan tayo sa katotohanan. Hindi manindigan sa kaninong tao. Kung tama ang kaniyang ginagawa sumunod tayo, kung mali na ang kanilang sinasabi, sabihin natin na mali na ‘yan. Manindigan tayo sa katotohanan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa programang Pastoral Visit on-air sa Radio Veritas.
Iginiit ng obispo na bagama’t hindi pa ganap na batas ay ilang mga institusyon na at indibidwal ang inuusig dahil sa pagiging kritiko ng administrasyon kabilang na ang ABS-CBN, Philippine Daily Inquirer at ang hatol na guilty kay Rappler CEO Maria Ressa.
Inihayag ni Bishop Pabillo na hindi dapat manahimik ang taongbayan lalu na ang simbahan mula sa paniniil na maaring mas maging mapanganib sa oras na maisabatas ang panukala.
“Kaya tayong mga tao dapat magsalita ‘yan ay bahagi ng demokrasya. Kasi ang demokrasya ay ruled by the people not ruled by a group. By the people,” ayon kay Bishop Pabillo.
Hinimok ng opisyal ng simbahang katolika ang mamamayan na ipahayag ang kanilang pagtutol sa anti-terror bill sa social media.
Nangangamba ang obispo na ang panukala ay hindi isang solusyon laban sa terorismo kundi maaring magamit sa pagmamalabis at karapatan sa pamamahayag ng katotohanan.
Nanawagan ang obispo sa mamamayan na maging mapagbantay at alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at makialam sa mga usaping panlipunan.
“Hindi dapat magpabaya. Educate ourselves. Tapos kapag na-educate ang ating sarili ay magsalita sa ating nadiskubre. Magsalita hindi lamang manahimik at magkaisa tayo. Hindi mo masasabi na wala ng pag-asa kasi kapag nagsasalita ang bayan. Bandang huli ang magwawagi ay ang bayan, hindi naman ang namumuno. Kasi ang namumuno ay dapat sumunod sa bayan,” dagdag pa ng obispo.
Pinayuhan ng obispo ang mamamayan na ipaalam sa mga pinuno ng gobyerno ang mga pagpuna sa kanilang maling pamamalakad.
Naniniwala si Bishop Pabillo na sa paninindigan ng mamamayan ay magwawagi ang buong bayan.
Bukod sa mga obispo ng simbahan, naglabas din ng pahayag nang pagtutol sa anti-terror bill ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines, ang bikaryato ng St. Peter and Paul at San Fernando de Dilao na kapwa mula sa Archdiocese ng Manila at mga Catholic school sa bansa.