2,125 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang mamamayan na manindigan sa katotohanan.
Ito ang pagninilay ng cardinal sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Bautista kung saan binigyang diin ang mahalagang tungkulin nito sa pagdating ni Hesus sa sanlibutan.
“Tularan natin si San Juan, huwag tayo magpadala sa agos ng uso o sa bugso ng tukso. Pangatawanan natin ang pagiging kaibigan ni Hesus. Panindigan natin ang katotohanan ni Hesus.” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Paliwanag ni Cardinal Advincula na kahit marami ang nabighani sa pangangaral ni San Juan ay hindi ito nahulog sa tuksong magkunwaring mesiyas kundi tinukoy nito si Hesus bilang liwanag ng sanlibutan, ang Kordero ng Diyos.
Batid ng arsobispo ang matinding hamong kinakaharap ng lipunan sa kasalukuyang panahon kung saan mahiran ang manindigan sa pagkakaibigan at katotohanan tulad ng ginawa ni San Juan Bautista.
Tinukoy nito ang mga kasinungalingang lumaganap sa social media, ang paggamit ng pagkakilanlan upang makapanloko at pagsisinungaling para sa salapi at kapangyarihan.
Apela ni Cardinal Advincula sa mananampalataya na palalimin ang pakikipag-ugnayan kay Hesus upang mapagtagumpayan ang anumang tukso sa pamayanan.
“Bilang kaibigan ni Hesus lubusan nating maisapuso ang buong katotohanan sa gitna ng mundong malabo at pabagu-bago. Magpatotoo tayo sa kanya kahit sa harap ng pasakit o pang-uusig.” ani ng cardinal.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang mga banal na misa sa tatlong dambana ni San Juan Bautista nitong June 24.
Ang Diocesan Shrine and Parish of St. John the Baptist sa Calumpit Bulacan kung saan kasama ng cardinal si Malolos Bishop Dennis Villarojo, Shrine Rector at Parish Priest Fr. Ventura Galman at mga bisitang pari.
Gayundin sa Parish of St. John the Baptist o Archdiocesan Shrine and Minor Basilica of the Black Nazarene kasama si Shrine, Basilica Rector at Parish Priest Fr. Rufino Sescon Jr at sa St. John the Baptist Parish, San Juan City kasama ang Parish Priest na si Fr. Mike Kalaw.