766 total views
Ang Mabuting Balita, 12 Nobyembre 2023 – Mateo 25: 1-13
MAPAGBANTAY
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e!’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.
Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
————
Ang Kaharian ng Diyos ay MAPAGBANTAY, kaya’t walang lugar para sa mag taong kampante o hangal. Ang ating Diyos ay Tagabigay ng Buhay, kaya’t laging aktibo at alerto sa mga pangangailangan ng kanyang mga nilikha at sa lahat ng nagaganap sa kanyang sinasakupan. Ito ang dahilan kung bakit kailangang mamuhay ang isang Kristiyano na bukas lagi ang mga mata, walang takip ang mga tainga, mga paa at kamay laging handang kumilos sa t’wing may panganib sa Pananampalataya. Ang Kristiyano ay hindi nag-iisip ng “bahala na” sapagkat maaaring huli na ang lahat. Maaaring wala ng pangalawang pagkakataon na dumating.
Ipadala mo sa amin ang iyong Espiritu, O Panginoon, nang kami ay maging laging gising at alerto sa Pananampalataya!