2,434 total views
Tanging ang mga mapagpakumbaba ang tunay na nakararanas ng kaligayahan at biyayang kaloob ng Panginoon sa bawat nilalang.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Kanyang Kabunyian Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro Prefect Dicastery for Evangelization, sa Banal na Misa sa Pontificio Collegio Filippino sa Roma.
Ayon sa Cardinal hindi kinakailangang maging mapagmataas at mapagpanggap ng sinuman sapagkat minamahal ng Panginoon ang lahat kabilang na ang mga mahihina, mahihirap at maging ang mga kabilang sa maliliit na sektor ng lipunan.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagiging totoo sa sarili ay mas higit na masusumpungan ng bawat isa ang biyaya at pagmamahal ng Panginoon.
“God loves you as you are, God calls the weak, God calls the poor, God calls the simple ones. You don’t have to pretend to be somebody else God loves you, that’s humility ‘I accept who I am and I rejoice in the Lord’. The truly humble is happy and blessed because the humble sees how God works, how God loves, how God is merciful and so he rejoices in the Lord,” ang bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Pagbabahagi ng Cardinal, mahalagang pagsumikapan ng lahat na maging mapagpakumbaba lalo na sa gitna ng iba’t ibang mga tukso at salik ng pakikipagtagisan sa kapwa na tila nagtutulak sa bawat isa upang maging mapagmataas at mapagmalaki.
Giit ni Cardinal Tagle ang pagiging puspus ng biyaya ay hindi nangangahulugan ng pagiging mas higit na mataas o lamang sa kapwa sa halip ay ang pagkilala sa lahat ng mga simpleng biyayang hatid ng Panginoon sa bawat isa.
“Seek it, look for humility, hanapin ninyo, pagsikapan ang pagkamababang loob. Humility will not just come to us, you have to seek it. Why? Because there are many forces in the world pushing us to seek the opposite, the world teaches us to seek pride, there was always this competition in the world and making those who are victorious the truly blessed, making those who feel always ahead of the others blessed and joyful, so without us knowing it the world pushes us to be proud,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ayon sa Cardinal ang lahat ng bagay ay posible sa Panginoon kaya naman hindi kinakailangan ng sinuman na maging mapagmataas na mauuwi lamang sa pagkapagal.
Bukod dito binigyang diin din ni Cardinal Tagle na kaakibat ng pagiging mapagpakumbaba at pagtanggap sa katotohanan ng buhay ang katarungan, kapayapaan at kaligayan habang tanging sa kasinungalingan naman nakaugat ang pagiging mapagmataas at mapagmalaki sa kapwa.
Paliwanag ng Cardinal, “Seeking humility is coupled with seeking justice. Why? (Because) Pride is really based on lies, pride is a false sense of granture based on lies, ang kayabangan ay kasinungalingan and where there is pride, when there is so much lies there will be injustice. If we want joy, peace, blessedness we seek humility and when there is humility there will be justice.”