715 total views
IIpinagdarasal ni Daet, Camarines Norte Bishop Rex Andrew Alarcon na mabanaagan ng mga kabataan ang pag-asa sa harap ng mga pinagdaraanan sa buhay.
Ginawa ni Bishop Alarcon ang dasal sa paggunita sa National Mental Health Week kung saan pinagtutuunan ang pagtugon sa pagdami ng mga kabataang nakakaranas ng mental health problem.
Batid ni Bishop Alarcon, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth na patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga kabataang nakakaranas ng mental health problem sanhi ng iba’t ibang nangyayari sa kapaligiran.
Ayon sa Obispo, higit na kailangan ng mga taong nakakaranas ng anxiety at depression ng makakausap at nakahandang makinig upang matulungang gumaan ang kalooban, at makabangon mula sa kadiliman.
“Sana tayo’y higit na maging ‘sensitive’ sa pangangailangan ng bawat isa. Sapagkat ang malasakit at pagbibigay-puwang sa kapwa ay nagbibigay ng pag-asa at liwanag,” pahayag ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Hiling din ni Bishop Alarcon para sa mga nalulumbay at nababalisa na higit na magtiwala sa kakayahan ng pananalangin bilang paraan ng pakikipag-usap at patuloy na paghingi ng gabay mula sa Panginoon.
“Sa mga nakararanas ng depression at anxiety, nawa matanggap nila ang biyaya ng higit na tiwala sa kabutihan at awa ng Diyos,” dagdag ni Bishop Alarcon.
Napag-alaman sa pagsusuri ng Philippine World Health Organization Special Initiative for Mental Health noong 2020 na 5.15 porsyento ng mga kabataang Pilipino ang apektado ng mental health problem.
Ayon sa pag-aaral na maliban sa nangyayaring krisis sa lipunan, kabilang sa mga pangunahing sanhi ng anxiety at depression sa mga kabataan ay ang epekto ng bullying o pang-aapi sa loob ng paaralan.
Sa huling ulat na isinapubliko ng Department of Education, naitala noong 2015 ang 21 porsyentong pagtaas sa mga kaso ng bullying sa mga pampubliko at pribadong paaralan.