474 total views
Mga Kapanalig, hindi katulad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, tila mas malapít ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa Amerika kaysa sa China. Patunay nito ang ginawang expansion ng kasalukuyang administrasyon sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (o EDCA) sa pamamagitan ng pagdadagdag ng mga pasilidad na maaaring ipagamit sa Amerika.
Pinirmahan noong 2014, ang EDCA ay isang kasunduan sa pagitan ng mga pamahalaang Pilipinas at Amerika na layong palakasin ang relasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pag-e-estasyon dito sa atin ng mga military troops at operations ng Estados Unidos. Mahalaga raw ito upang tugunan ang mga banta sa seguridad sa bahaging ito ng Asya. Mula noon, may limang EDCA sites ang pinagagamit sa Amerika—sa Palawan, Pampanga, Nueva Ecija, Cagayan de Oro, at Cebu.
At ngayon nga, inaprubahan ni Pangulong BBM ang pagdadagdag ng apat pang lokasyon: sa Naval Base Camilo Osias at Lal-lo Airport sa Cagayan, Camp Melchor Dela Cruz sa Isabela, at Balabac Island sa Palawan. Sa isang panayam, sinabi ng pangulong napili ang mga lugar na ito upang depensahan ang silangang bahagi ng ating bansa at ang tinatawag na continental shelf ng Pilipinas. Makatutulong din daw ang karagdagang EDCA sites sa paghahatid ng tulong sa panahon ng mga kalamidad.1 Para naman kay Defense Secretary Carlito Galvez, Jr, maaari ding makahikayat ang EDCA ng foreign investments na magdudulot naman ng economic development sa mga lugar na itatalagang EDCA sites.
May mga pangambang sa pagpapalawig ng EDCA, maaaring maipit ang Pilipinas sa tensyon sa pagitan ng China at Amerika, lalo na sa isyu ng Taiwan. Matagal nang sinasabi ng China na probinsya nito ang Taiwan, habang suportado naman ng Amerika ang pagsasarili ng isla. Nitong mga nakalipas na linggo, tila may pagbabanta ang China sa maaari nitong gawin kung patuloy na magmamatigas ang Taiwan at kung kakampihan ito ng ibang bansa, lalo na ng Amerika. Nagpalipad ng warplanes ang China at tumawid ang mga ito himpapawid ng Taiwan. Dasal nating hindi lumala ang sigalot sa pagitan ng China at Taiwan. Hindi sana ito umabot sa isang digmaang katulad ng umusbong nang sakupin ng Russia ang Ukraine.
Umaasa tayong masusing pinag-aralan ng ating gobyerno ang pagpapalawig ng EDCA, lalo pa at pinagtibay ng Korte Suprema na constitutional ito at hindi labag sa ating soberenya.3 Ngunit mahirap iwasang isiping hindi tayo madadamay sa gusot sa pagitan ng mga bansang tila nagpapaligsahan kung sino sa kanila ang mas malakas at mas makapangyarihan. Sa pagpapatibay natin sa EDCA at pagpapalawig nito, umaayon tayo sa paniniwalang nakasalalay sa lakas ng sandata ang uri ng ugnayang iiral sa pagitan ng mga bansa.
Salungat ito sa tinatawag ni Pope John Paul II sa kanyang ensiklikal na Centesimus Annus na collective responsibility o kolektibong responsabilidad na iwasan ang digmaan.4 Ang mga bansa—malaki man o maliit, mayaman man o papaunlad pa lamang—ay may tungkuling buuin ang isang pagdaigdigang kultura ng kapayapaan—isang kulturang kumikilala sa kalayaan ng lahat, itinataguyod ang kabutihan ng mga mamamayan, at hindi nasusukat sa lakas at kapangyarihan ang kadakilaan ng mga bansa. Huwag sanang dumating ang panahong pagsisisihan ng ating gobyerno ang pagsawsaw natin sa hidwaan ng mga bansa sa halip na magsilbing tulay ng kapayaan.
Mga Kapanalig, “mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,” saad nga sa Mateo 5:9. Sa halip na maging bahagi ng hidwaan sa pagitan ng mga bansa, tutukan sana ng ating pamahalaan ang pagsusulong ng kapayapaan. Sa halip na gatungan ang tensyon sa pagitan ng mga nag-aaway na bansa, magsilbi sana tayong tubig na papatay sa apoy ng nagliliyab nilang alitan.
Sumainyo ang katotohanan.