379 total views
Mapapariwara ang bayan kung hindi makikilahok ang mga mamamayan sa mga nagaganap sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa pagkakaroon ng political involvement o pakikibahagi ng bawat mamamayan sa mga usaping panlipunan.
Ayon sa Obispo na siya ring incoming president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hindi dapat umiwas ang taumbayan partikular na ang mga layko sa pakikisangkot sa mga nagaganap sa lipunan sapagkat hindi basta magkakaroon ng maayos at matapat na pamamahala sa bansa kung walang mga responsableng mamamayan na magbabantay at maninindigan laban sa maling pamamahala sa bayan.
Paliwanag ni Bishop David, bahagi ng isinusulong ng Simbahan na enlightened citizenry at empowered citizenry ay ang pagiging isang responsableng mamamayan na mahalagang salik sa pagkakaroon ng maayos na pamamalakad sa bansa ng mga lingkod bayan.
“We cannot have good governance without the essential backbone of responsible citizenship and I think itong ating pagpopromote ng good politics ay bahagi ng enlightened citizenry, empowered citizenry, reponsible citizenship mapapariwara ang ating bayan kapag hindi nakilahok ang mga mamamayan.” Ang bahagi ng mensahe ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa National Laity Week Conference on Social Transformation through Civil and Political Involvement ng diyosesis.
Pagbabahagi ni Bishop David, isa sa unang tungkuling dapat gampanan ng isang responsableng mamamayan ay ang matalino at mapanuring pakikibahagi sa proseso ng halalan sa bansa na nagtatakda ng mga opisyal na mamumuno sa pamahalaan.
Sa kabila nito binigyang diin ng Obispo na bago pa man isulong ng bawat mamamayan ang pagtiyak sa pagkakaroon ng maayos, malinis, matapat, makabuluhan at mapayapang halalan sa bansa ay kinakailangan munang matiyak na hindi gamiting dahilan ng mga ayaw bumitiw sa kanilang katungkulan ang pandemya upang ipagpaliban ang pagsasagawa ng halalan sa bansa.
“We need to guarantee that if we’re going to have an election at all we make sure una na matutuloy ito na hindi gagawing dahilan ang pandemya para ito’y maudlot we have to avoid that, we have to make sure also na ang eleksyon na ito ay magiging clean, honest, [accurate], meaningful and peaceful.” Dagdag pa ni Bishop David.
Matatandaang una ng binigyang diin ng Obispo na bahagi ng pananampalataya ng mga Kristiyano’t Katoliko ang pakikilahok at pakikisangkot sa usapin ng pulitika sa bansa kung saan ang boto tuwing halalan ay dapat na ituring ng mga layko na isang panata o debosyon para sa bayan.