1,652 total views
Mariing kinondena ng Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa at Taytay sa Palawan ang naganap na kaguluhan sa pagitan ng Ipilan Nickel Corporation at mamamayan ng Brooke’s Point laban sa ilegal na pagmimina noong Abril 14.
Sa pastoral statement nina Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona at Taytay Bishop Broderick Pabillo, inihayag nito ang labis na pagkadismaya sa sinapit ng mga residenteng mapayapang nagsasagawa ng barikada upang tutulan ang pagmimina sa Brooke’s Point.
Sinabi ng dalawang obispo na nais lamang manawagan ng mga residente para sa pagpapahinto sa Ipilan Mining na ilegal nang nagsasagawa ng operasyon makaraang mapawalang-bisa ang Mayor’s permit noong Pebrero 1, 2023, na sinundan ng Cease and Desist order.
“Rather than fully complying with the rule of law, Ipilan Nickel Corporation acted in blatant defiance of the law by continuously operating its mine. Worse, the companu took the law into its own hands by deploying its large private security force in violently dispersing the peaceful rallyist,” bahagi ng pahayag nina Bishop Mesiona at Bishop Pabillo.
Tinatayang nasa 100 tauhan ng Ipilan Corporation at 30 kawani ng Philippine National Police ang marahas na nagpaalis at gumiba sa mga barikada, na humantong din sa pagkakaaresto at pagkulong sa anim na residente ng Brooke’s Point.
Pagbabahagi nina Bishop Mesiona at Bishop Pabillo na sa loob ng tatlong buwan ay nasaksihan ang sakripisyo ng mga katutubo, magsasaka, mangingisda, at iba pang mamamayan ng Brooke’s Point upang pangalagaan ang kanilang likas na yaman laban sa ilegal na pagmimina sa lugar.
“They have been peacefully rallying against the devastation to their forests, watershed, indigenous lands, farms, and water sources that was causing the enormous loss of their livelihoods and massive floodings in Brooke’s Point,” ayon sa pahayag.
Hinihiling naman ng dalawang Obispo ang pagtugon nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) upang tuluyan nang ihinto ang operasyon ng Ipilan Nickel Corporation at iba pang minahan sa Palawan.
Gayundin ang paggalang at pangangalaga sa karapatan ng mga residenteng mapayapang kumikilos upang tutulan ang mapaminsalang pagmimina sa lalawigan.
“As our expression of full support and solidarity with the peaceful rallyist in Brooke’s Point, we therefore make these urgent appeal… to respect and protect the constitutional rights of the peaceful rallyist to publicly assemble and protest against the destructive and irresponsible mining in Brooke’s Point and affected areas in Palawan,” saad nina Bishop Mesiona at Bishop Pabillo.