184 total views
Binigyang diin ng opisyal ng Caritas Manila na dapat tulungan ang mahihirap na mapanatili ang pangkabuhayan upang tuluyang makaahon sa kahukhaan.
Ayon kay Fr. Anton Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, hindi sapat ang pagbabahagi lamang sa mga dukha sa lipunan kundi mahalagang maturuang mapanatili ang kanilang pinagkakakitaan.
“Tumulong tayo in a sustainable way at walang kondisyon para sa kapakanan ng mga mahihirap sa pamayanan,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ito ang naging layunin ng Caritas Margins, ang social enterprise program ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila kung saan tinututukan ang pagbibigay kabuhayan sa mamamayan lalo na ang mga nasa laylayan.
Bilang katuparan sa adbokasiya ng Simbahang Katolika, tinututukan ng Caritas Manila ang mga programang mapakikinabangan ng mga dukha sa pamayanan kabilang na dito ang edukasyon, mga libreng pagsasanay at pangkabuhayan.
“Siguruhin natin na ang itinutulong ay talagang ang pangangailangan nila (poor sectors),” ani ni Fr. Pascual.
Iginiit ni Fr. Pascual na hindi dahil sa katamaran kaya’t lalong naghihirap ang mga Filipino kundi ang kawalang oportunidad sa bansa na magkaroon ng maayos na kabuhayan.
Aniya ang pagbibigay ng pagkakakitaan sa mga dukha ang pinakamabisang paraan na maiahon ito sa kahirapang nararanasan.
Kaugnay dito, kasalukuyang nagsasagawa ng ‘buy and give trade fair’ ang Caritas Margins sa ikapitong pagkakataon upang higit na mailapit sa publiko ang mga produktong gawa ng mga magsasaka, mangingisda, bilanggo at iba pang grupo mula sa maralitang sektor ng bansa.
Sa pamamagitan nito malaki ang posibilidad na lalago ang small-medium enterprise ng mga Filipino sa pagtangkilik ng mga mamimili ng kani-kanilang produkto.
Sa nakalipas na 2 buy and give trade fair umabot sa halos apat na milyong piso ang kinita ng mga partner exhibitors.
Kasalukuyang ginanap ang huling bahagi ng trade fair sa Glorietta activity center sa lungsod ng Makati mula ikaanim hanggang ikapito ng Nobyembre.