15,109 total views
Itinataguyod ng Diocese of Cubao ang paglilinang sa kaalaman ng mga mananampalataya upang maisabuhay ang aral mula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos.
Ayon kay Cubao Diocesan Biblical Apostolate Director Fr. Randy Flores, makatutulong ang paglalaan ng panahon upang mahikayat ang bawat isa na magbasa ng bibliya at maging pamilyar sa mga nilalaman nito.
Ang pahayag ni Fr. Flores ay kaugnay sa ginanap na City on a Hill Bible Festival 3 noong Enero 20, sa Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word, Christ the King Mission Seminary Gym, Quezon City.
“Ang theme or goal ng Bible apostolate, especially here sa Diocese of Cubao, ay for all Catholics to read the Bible. So, ‘yun ang pinaka basic goal nitong bible festival: to promote to read the bible, be familiar with the word of God, and live the bible,” pahayag ni Fr. Flores sa panayam ng Radio Veritas.
Aminado ang pari na kumpara sa ibang kristiyanong denominasyon at grupo, kaunti lamang sa bilang ng mga katoliko ang mayroong sapat na kaalaman sa bibliya.
Kaya naman naglunsad ang Diyosesis ng Cubao ng mga programa tulad ng two-year course ng Certificate in Biblical Studies na isinasagawa tuwing Sabado mula alas-nuebe ng umaga hanggang alas-dos ng hapon.
Gayundin ang online classes para sa Women of the Bible tuwing Huwebes, at ‘Lakbay Bibliya’ kung saan nagtutungo ang Bible apostolate ng diyosesis sa iba’t ibang parokya upang magbahagi ng kaalaman sa mga kabataan tungkol sa mga Salita ng Diyos.
“Reality check kung hindi poor, very poor tayo sa knowledge of the Bible, the word of God. How do we know? We compare ourselves with other Christian groups laging behind tayo in terms of familiarity with the word of God,” saad ng pari.
Sa mga nais magpatala sa mga nasabing programa, magpadala lamang ng mensahe sa Diocese of Cubao – Biblical Apostolate facebook page.
Taong 2017 nang ideklara ang buwan ng Enero bilang National Bible Month kasunod ng paglagda ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Habang ginugunita naman tuwing ikatlong Linggo ng Enero ang National Bible Sunday, ngunit ipinagpaliban ito ngayong taon sa ikaapat na Linggo upang bigyang-daan ang Kapistahan ng Panginoong Hesus, Ang Banal na Sanggol o Sto. Niño.