469 total views
Inaasahan ng Department of Trade and Industry (DTI) na aabot sa limang-daang libong manggagawa ang magkakaroon o makakabalik sa trabaho sa pag-iral ng pinakamaluwag na panuntunan ng alert level 1 sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Trade Undersecretary (Usec) Ruth B. Castelo, sinusuportahan ng DTI ang bagong panuntunan ng Inter Agency Task Force na iiral simula March 01 hanggang 15 dahil makakabuti ito para sa patuloy na pagbangon ng ekonomiya.
“DTI supports the decision of IATF on lowering the alert level in the National Capital Region, gusto natin ang alert level 1 para tuloy tuloy na yung ating economic recovery,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Usec Castelo.
Paalala ni Usec Castelo sa bawat mamamayan na patuloy pa ring pag-iingat mula sa banta ng COVID-19 virus at pagsunod sa mga panuntunan katulad ng pagsusuot ng face mask.
“Hindi pa rin natin pwedeng i-compromise ang health protocols with the lowering of the alert level, we have Estimated around 500-thousand drops na mababalik with the opening up of the economy. Yes we have around 500-thousand,” ayon pa kay opisyal ng DTI.
Sa pag-iral ng alert level 1 status sa NCR at may 38-iba pang bahagi ng bansa ay walang limitasyon sa kapasidad sa parehong indoor at outdoor facilities ng mga negosyo at iba pang mga establisyemento.
Sa mga papasok sa mga gusali, kinakailangang magpakita ng vaccination cards ang mga nasa edad mga 18-taong gulang pataas.
Paglilinaw ng DTI, bagamat halos lahat ng mga negosyo ay maaari ng magbukas muli ay ipagbabawal pa rin o lilimatahan ang kapasidad ng ilang gawain at mga lugar na maaaring dagsain ng napakaraming tao.
“Meron lang maiiwan na businesses like yung mga sabong, gambling yung mga talagang nag do-draw malalaking crowds otherwise almost all bussineses are already open,” ani Usec Castelo.
Suportado naman ng Simbahang Katolika ang mga hakbang ng pamahalaan na itataguyod ang pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino.
Una nang naging apela ni Father Jerome Secilanno,Catholic Bishops’ Conference of the Philippine Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary sa pamahalaan na igawad sa mga manggagawa ang mga tulong at benepisyo higit na ngayong panahon ng pandemya upang maipagpatuloy ang pamumuhay na may dignidad.