405 total views
Naniniwala si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na mas nakita ng publiko ang mga nagawa sa bayan ng namayapang si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Ito ayon kay Bishop Pabillo ay dahil na rin sa karanasan ng mamamayan mula sa kasalukuyang administrasyon.
Si Bishop Pabillo ay kabilang sa mga kritiko at bumabatikos sa administrasyon ng pumanaw na dating pangulo.
Subalit ayon kay Bishop Pabillo na sa panahon ni Aquino, marami ang nagsasagawa ng kilos-protesta at bumabatikos sa mga polisiyang tinututulan ng publiko.
“Mayroong democratic space. Hindi tulad na ngayon na natatakot ang mga tao na lumabas, marami ang napipigilan dahil sa mga trolls. At masyadong balat-sibuyas ang pamahalaan ngayon na kaunting sasabihin lang ay mayroong kaagad lumalabas na pambabatikos. At ang pambabatikos na hindi tungkol sa isyu, kundi sa mga nagsasalita,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo sa programang Pastoral Visit On-the-Air ng Radio Veritas.
Ito ay nangangahulugan ayon kay Bishop Pabillo ng kalayaaan sa pamamahayag at dialogue na hindi makikita sa kasalukuyang administrasyon.
Sang-ayon naman ang Obispo na kabilang sa mahahalagang nagawa ni PNoy sa kaniyang administrasyon kabilang na sa larangan ng ekonomiya.
“Totoo, hindi naman siya perfect ang dami niya ring pagkukulang. Isa na ako sa bumabatikos sa kanya noon, pero nakita din natin, ang dami ring mga achievement na natamo ng kanyang governance lalu na sa larangan ng ekonomiya,” ayon kay Bishop Pabillo.