500 total views
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) ang kakayahan at pagsisikap ng bawat guro sa paggunita ng World Teachers Day.
Ayon kay San Fernando La Union Bishop Daniel Presto, nawa ay magamit ang pagkakataon ng taunang pagdiriwang upang mabigyan ng karagdagang pansin ang pangangailan ng mga guro.
Ayon sa Obispo, kaugnay sa naunang panawagan ng United Nations at International Labor Organization sa paglulunsad ng World Teachers Day noong 1966, ito ay upang bigyang-pansin ang mga suliranin ng mga guro tulad ng suweldo, benepisyo, edukasyon at pangangailangan ng mga estudyante.
“Alam natin ang mga teachers ang ating ikalawang magulang sa mga school kaya nga’t sila’y kabahagi sa paghuhubog sa isip at sa puso ng ating mga pupils and students o mga learners kaya tayo nagpapasalamat sa kanila dahil nga sakripisyong kanilang ibinibigay sa ating mga kabataan at sa mga bata,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Paalala naman ni Fr. Ernesto De Leon ng CBCP-ECCE sa mga guro higit na gamitin ang pagkakataon nang pagtuturo upang ituro ang pananampalatayang kristiyano sa mga mag-aaral.
Ito ay upang mahubog sa bawat estudyante ang ugaling may pakialam, pagmamahal at awa sa kapwa.
“It is very important that teachers impart these things, sabi nga unang mga natututunan din sa bahay ang mga ‘yan right? pero mas napapalalim ‘yan sa mga schools at ang mga nagpapapalalim niyan ay yung mga teachers, please always remember the impact you have on the life of every individual you are teaching,” ayon kay Father De Leon.
Ilan sa mga suliranin ng mga guro at ng sektor ng edukasyon ay ang kakulangan ng mga silid-aralan na ayon sa Department of Education (DepEd) noong Agosto, sa pagsisimula ng bagong taon ng pag-aaral ay aabot sa 91-libong mga bagong classrooms ang kinakailangan maitayo sa buong bansa.
Batay sa School Year 2022-2023 data ng Department of Education ay aabot sa 900-libong mga guro ang nagtuturo sa buong Pilipinas habang aabot naman sa 28-milyong estudyante sa parehong mga pampubliko at pampribadong sektor ang kabuoang bilang ng mga mag-aaral ngayong taon.