428 total views
Bagong taon na kapanalig, at dasal sana natin ngayon na maging inklusibo na ang ating lipunan.
Sa ating bayan, lahat tayo ay nagmamadaling umarangkada. Sa katunayan, kahit pa nga holidays diba, halos lahat tayo ay patuloy pa rin sa paroo’t-parito—patunay diyan ang napaka-grabeng traffic sa ating lansangan araw-araw, kahit pa araw ng pasko o bagong taon. Parang hindi tayo nagpahinga.
Pero kapanalig, sa kabila ng pagiging abala ng ating lipunan, may mga sektor tayo sa ating lipunan na laging napapag-iwanan. Pangunahin na diyan ay ang mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs). Sinasabi ng Deus Caritas Est, sa komunidad ng mga nanalig sa Panginoon, walang puwang ang karalitaan na nagnanakaw ng dignidad ng tao – Within the community of believers there can never be room for a poverty that denies anyone what is needed for a dignified life. Kaya lamang, kapag titingnan natin ang ating kapaligiran, parang masyado namang kawawa ang mga PWDs sa ating lipunan. Sa ating mga kalsada, sa ating mga bangketa, sa ating mga public transport system, tila napakaliit o halos walang puwang ang mga handicapped sa ating lipunan. Tingnan na lamang natin ang mga tawiran sa ating kapaligiran. Kahit pa nga ang mga walang kapansanan ay hirap na hirap gamitin ito, paano pa kaya ang mga PWDs?
Iyan ay tip of the iceberg pa lamang. Marami pa tayong mga pagkukulang sa kanilang sektor – mga pagkukulang na nagnanakaw ng kanilang potensyal bilang produktibong miyembro ng ating lipunan. Ni hindi natin sila maayos na nabibilang, o ni hindi natin tunay na nauunawaaan bilang isang lipunan na ang mga disabilities ay iba-iba – may communication disability, may learning disability, may mental o psycho social disability at iba pa. Kaya nga’t hindi ba nagtaasan ang kilay natin kapag may nanguna sa atin sa pila, o kaya inabutan ng PWD discount card ang tindahan natin pero mukha namang walang kapansanan ang mga gumagawa nito? May iba pa nga, kinokompronta ang mga PWDs sa pagkakaroon ng pribilehiyo kesyo sa itsura nito, kumpleto naman ang kakayahan nito.
Sa pag-aaral at paglilinang ng kagalingan, kadalasang wala rin sa prayoridad natin ang mga PWDs. Kulang ang mga pasilidad para sa kanilang kasanayan, pati mga programa o kurso na kanilang maaaring salihan. Kaya’t malaking bagay kapanalig, ang mga programa ng National Council on Disability Affairs, gaya ng paglunsad nito ng Manual on Disability Support Services, ng Directory ng Sign Language Interpreters and Organization, ng mga webinars at seminars para sa inklusyon ng mga may iba-ibang kapansanan sa bansa. Sana madagdagan pa ang mga ganito at mas lalong makilala. Kailangan ito ng mahigit pa sa 1.4 milyong Pilipinong may kapansanan sa ating bansa ngayon.
Sumainyo ang Katotohanan.