244 total views
Magsasagawa ng ‘informal education program’ ang Duyog Marawi katuwang ang Divine Word Missionary (SVD) at Department of Education ngayong bakasyon para sa mga bakwit.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, layunin ng programa na makapagpatuloy ang pag-aaral ng mga batang naapektuhan ng limang buwang digmaan sa lungsod na naganap noong Mayo ng nakalipas na taon.
“Meron kaming informal education program ngayong summer para sa mga kabataang natigil ng pag-aaral. Para maka-enroll sila hopefully this school year through this program ng informal education in partnership with Divine Word Missionary. They will be upgraded sa next level,” ayon sa Obispo.
Sinabi ng Obispo na ang informal class ay isasagawa sa pamamagitan ng ‘tutorial at on line teaching’ lalu’t may 50 computers din ang kanilang natanggap na donasyon mula sa Estados Unidos para sa mga mag-aaral.
Sinabi ng obispo na sa ganitong paraan ay maipagpapatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pag-aaral at makapasok sa susunod na pagbubukas ng klase sa kabila ng pagkaantala dahil sa digmaan.
Ayon kay Department of Eduation (DepED) Undersecretary Tonisito Umali, may 22 paaralang mula sa kabuuang 69 na pampublikong paaralan sa Marawi City ang nasira kung saan tinatayang may 15,000 mga estudyante ang naapektuhan.