145 total views
Nagkaloob ang Prelatura ng Marawi ng 5-libong piso at 20 kilo ng bigas sa may 75-pamilyang Kristiyano na naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi.
Ito ay bahagi ng patuloy na pagkilos ng Simbahang Katolika na makatulong sa mga biktima ng kaguluhan sa Marawi, Kristiyano man o mga Muslim.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, sa unang pagkakataon ay nagtipon ang mga katolikong nagsilikas dahil sa naganap na kaguluhan at sila naman ang nakatanggap ng pagtulong mula mismo sa kanilang Prelatura.
Aminado si Bishop Dela Peña na gaya ng mga kapatid Muslim ay nais pa din ng mga Kristiyanong residente na makabalik sa Marawi sa kabila ng takot at paghihirap na kanilang naranasan.
“Gusto nila bumalik kahit nakaranas sila ng matinding takot at pangamba gusto din nila bumalik sa Marawi kasi para sa kanila Marawi is their home at ang iba sa kanila dito na pinanganak dito na din lumaki saka yun kanilang kabuhayan” pahayag ni Bishop Dela Peña sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang naging aktibo ang Simbahang katolika sa pagtulong sa mga Muslim na naapektuhan ng kaguluhan at sa pagkakataong ito ay tumulong naman sila sa mismong mga Kristiyano.
Read: Tulungang makapagsimula ng buhay ang mga taga-Marawi
Special missionaries, kailangan sa Marawi
Tiniyak ni Bishop Dela Peña na magpapatuloy pa ang kanilang ginagawang pagtulong sa mga naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi.
Kasabay ng paggunita ng ‘World Day of The Poor’ na inisyatibo ni Pope Francis, sinabi ni Bishop Dela Peña na napakahalaga sa kanila na bigyan halaga ng Santo Papa ang mga mahihirap lalo na sa kabila ng kanilang dinanas mula sa ilang buwang digmaan.
“This is very timely at very sginificant na celebration o pagdiriwang lalo na sa dami ng naghihirap dito sa marawi sa paghahanap ng kanilang mga kamag-anak na nasawi at saka yun patuloy na paghihirap sa kasalukuyan so its a good reminder for all of us that we share a common humanity na kailangan natin ma realize that we are responsible for one another” paliwanag pa ng Obispo
Batay sa datos, hindi bababa sa 78 libong pamilya ang naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi.