1,429 total views
Umaasa ang mamamayan ng Marawi na makakabalik na sila sa kanilang mga tahanan, apat na taon makaraan ang digmaan sa Islamic city.
Ayon kay Rey Barnido, Executive Director ng Duyog Marawi, inaasahang matatapos ang mga ipinagawang imprastraktura ngayong Disyembre.
“Kakayanin naman ng gobyerno na tapusin ang infra by December 31, pero yung pagrehabilitate ng mga residents might take longer than that. There are around 66 thousand families displaced,” ayon kay Barnido sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Sa pahayag ng pamahalaan, Oktubre ngayong taon ay sisimulan na ang rehabilitasyon sa mga lumikas na pamilya lalu na ang nasasakop ng ground zero.
Ayon kay Barnido malaking bahagi pa rin ng mga bakwit o internally displaced person ang nasa transistion houses habang hinihintay ang permanenteng pabahay ng pamahalaan.
Mayo taong 2017 nang lusubin ng ISIS-inspired Maute group ang Islamic City na kinubkob sa loob ng limang buwan ng mga terorista.
Kabilang din ang namayapang si Fr. Teresito Suganob kasama ang ilang mga manggagawa ng St. Mary’s Cathedral ang ginawang bihag ng mga bandido.
Tinatayang higit sa 300-libo o kabuuang populasyon ng lungsod ang nagsilikas dulot ng digmaan na nagresulta sa may 1,200 katao na nasawi.