221 total views
Inihayag ng pinunong pastol ng Prelatura ng Marawi na walang pagbabago sa lugar makaraan ang dalawang taon mula nang masira ito sa digmaan.
Ayon kay Bishop Edwin Dela Peña, walang inilahad na plano ang pamahalaan ukol sa programa ng rehabilitasyon sa Marawi lalo na sa mga residenteng labis na naapektuhan ng digmaan.
“Well ang sitwasyon walang pagbabago, nasa state of uncertainty wala pay kasigurohan tungod kay [walang katiyakan kasi] in the first place malaki ang disappointment [kasi] walang malinaw na plano para sa rehabilitation sa Marawi particularly sa most affected areas,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na bagamat ilan sa mga bakwit ang nakabalik na sa Marawi ay nasa lugar lamang na hindi idineklarang most affected area.
Inihayag ng Obispo na ang mga naninirahan sa ground zero ay nanatili sa mga transitional homes o mga temporary shelters.
Ikinalulungkot ni Bishop Dela Peña na tila napabayaan ang mamamayan na nakatira sa idineklarang ground zero sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay nanatili itong bakwit.
“Particular na concern namin kami na mga nasa ground zero ay mga bakwit pa rin kami, we are still IDP [internally displaced persons],” ani pa ng Obispo.
Malaking suliranin na kinakaharap ng halos kalahating milyong indibidwal na lumikas noong kaguluhan ay ang panahon kung kailan sila payagang makababalik sa kani-kanilang mga lugar na pinagmulan.
Batay naman sa pahayag ni Task Force Bangon Marawi chairperson, Secretary Eduardo del Rosario sa Hulyo ay papayagan na ang mga residente ng Marawi na makabalik sa kanilang mga lugar at simulan na ang pagkukumpuni sa mga nasirang gusali.
Inihayag din ng kalihim na papayagan lamang ang mga residente ng ground zero na makabalik sa kanilang lugar kung may kaukulang repair permit na ito mula sa pamahalaang lungsod.
Iginiit naman ni Bishop Dela Peña na walang nakikitang pagbabago ang sinimulan ng pamahalaan upang makumbinsi ang mamamayan na sa unang bahagi ng 2020 ay muling bubuksan ang mga lugar ng Marawi City.
“The original timetable was first quarter of 2020 the actual reconstruction of Marawi would begin but up to now nothing is happening on the ground, mao gihapon [ganoon pa rin] still in ruins, still destroyed we cannot try to do anything about it; in fact the rest of the residents of Marawi some of them of have return in Marawi living in tents near the military camp,” dagdag pa ni Bishop Dela Peña.
Malaking katanungan ng mga residente kung nasaan ang bilyong pisong pondo na inilaan ng pamahalaan para sa rehabilitasyon na hindi pa rin nasisimulan makalipas ang dalawang taon.
Ika – 23 ng Mayo 2017 nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City nang lusubin at kubkubin ng Maute terorrist group ng lunsod kung saan umabot sa higit 1-libong indibidwal ang nasawi habang halos kalahating milyon naman ang nagsilikas.
Umaasa si Bishop Dela Pena na tuluyang matugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga residenteng Maranao.