260 total views
Kabilang din ang Duyog Marawi sa mga nakikiisa at tumutulong sa mga biktima ng lindol sa Diocese ng Kidapawan.
Ayon Reynaldo Barnido, executive director ng Duyog Marawi, una silang nagsagawa ng assessment sa bayan ng Makilala gayundin ang pagbibigay ng psycho social intervention sa mga batang na-trauma sa naganap na lindol.
Bukod dito, nagbigay na rin ng earthquake safety tips sa mga residente para sa kanilang kaligtasan at upang hindi na madagdagan pa ang danyos sa mga nagaganap na lindol.
“Dahil nga po on-going ang earthquake kaya nagbigay na rin kami ng safety tips kasi yung mga bata palaro-laro pa, pumapasok pa sa mga buildings…para hindi na madagdagan ang damage,” ayon kay Barnido.
Ang Duyog Marawi ay isang Muslim at Church based group na tumutulong sa muling pagbangon ng Marawi City matapos ang Marawi siege sa Islamic City noong 2017.
Inilunsad din ng Duyog Marawi ang #MalongCares- o ang kampanya para makalikom ng 1,000 malongs para sa kababaihan sa kidapawan.
“Isa sa aming nakita na kailangang ding sagutin ang mga pangangailangan ng mga kababaihan, kasi open ang mga tent. Magbibihis sila mahirapan sila, para sa amin dignity at protection na rin sa kababaihan na meron silang gamit na pantakip,” dagdag pa ni Barnido.
Naunang nagbigay ng 200,000 pisong tulong pinansiyal ang Caritas Manila sa Diocese of Kidapawan para sa mga apektado ng lindol sa Region XI at XII.
Read: Mamamayan ng Region XI at XII nasa state of worry, panalangin hiling ng Simbahan
Nagsagawa din ng 2nd collection ang Diocese of Tagbilaran para sa mga nasalanta ng lindol.
Read: Diocese ng Tagbiliran, magsasagawa ng 2nd collection para sa Mindanao quake victims
Sa ulat ng Philippine Red Cross (PRC), umaabot na sa 35 libo o katumbas ng 178 libong indibidwal mula sa Region 11 at 12 ang naitalang naapektuhan ng malalakas na lindol.