203 total views
Isama sa curriculum ng mga estudyante at mga history book ang kasaysayan ng Marcos dictatorship.
Ito ang panawagan ni Diocese of Laoag Bishop Renato Mayugba sa Department of Education upang maunawaan ng lubusan ng mga mag – aaral ang kaganapan na nangyari sa panahon ng rehimeng Marcos.
Umaasa si Bishop Mayugba na sakaling rebyuhin ang mga history books ay maisama ang ilang sektor sa lipunan pati ang Simbahan, mga anti at pro Marcos gayundin ang mga biktima ng diktaturyang Marcos.
“On that particular issue, of course that is about the Department of Education. The main responsible institution diyan ay ang education. Education and all other stakeholders of education including the Catholic Church and other sectors of civil society have a say on that. Kung ididikta natin kung ano ang dapat ituro from a sector whether from that we say anti or pro that is for the educational system, pag – aaralan. Kanya – kanyang expertise,” pahayag ni Bishop Mayugba sa panayam ng Veritas Patrol.
Ibinahagi ni Bishop Mayugba na sa kanilang diyosesis na balwarte ng Pamilyang Marcos, ang mga Ilokano ay nag – alay ng panalangin sa ikapayapa ng kaluluwa ng dating lider ng bansa.
“Dito sa amin ang pinagtuunan ng pansin ay iyong dasal ang aming aksyon ay religious in praying for the dead. Ipinagdasal for the repose of the soul of the late president,” giit ni Bishop Mayugba sa Radyo Veritas.
Noong Biyernes naihimlay na sa LNMB si Marcos.
Naitala ng Amnesty International ang may 70,000 tao na ikinulong, 34,000 ang biktima ng torture at 3,240 ang pinatay mula 1972 hanggang 1981 sa panahon ng martial law.
Samantala, muli na namang maglulunsad ng kilos protesta ang ilang mga Catholic schools and universities upang tutulan at ipahukay ang labi ng dating diktador sa LNMB.
Bukod dito nauna na ring hinimok ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga paaralan na laging ipamulat sa mga kabataan ang tunay na nangyari noong dekada ‘70.