322 total views
Hindi maituturing na bayani at hindi nararapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa kontrobersiyal na pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilibing ang mga labi ng dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Iginiit ni Bishop Pabillo na hindi tamang bigyang parangal at ituring na bayani ang dating Pangulong Marcos dahil sa pangungurakot sa kabangbayan at patong-patong na paglabag sa karapatang pantao.
“Hindi naman tama na siya ay ililibing at bibigyan ng parangal bilang bayani. Kasi yung Libingan ng mga Bayani, yan ay parangal sa mga bayani at hindi natin maituturing si Marcos na bayani dahil sa malaking kapinsalaan na ginawa niya at kahirapan para sa maraming tao kaya ay hindi po maaayos ang problema kung siya ay ililibing dito sa Libingan ng mga Bayani at hindi ito dapat gawin…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Naunang kinumpirma ni dating Senador Bongbong Marcos ang paglilibing sa kanyang ama sa ika-18 ng Setyembre ng kasalukuyang taon sa libingan ng mga bayani.
Sa tala, nakahimlay sa 103-hektaryang Libingan ng mga Bayani ang may 49-na-libong sundalo, war veterans at mga itinuturing na martir at bayani ng bansa.
Samantala, patuloy naman ang protesta at panawagan ng mga biktima ng Martial Law kung saan batay sa tala sa ilalim ng Batas Militar na nagsimula noong 1972, tinatayang aabot sa higit 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos.
Habang sa isinagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman noong 1988, nasa 100 milyong piso kada araw ang nawawala sa pera na bayan dahil sa laganap na katiwalian sa ilalim ng pamamahala ng dating diktador.