154 total views
Kinumpirma ni Brig. Gen. Restitutu Padilla tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines ang nakatakdang paghihimlay sa mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani ngayong tanghali.
Sa mensaheng ipinadala ni General Padilla sa Radyo Veritas, inihayag nitong kagustuhan ng pamilya Marcos na maging pribado at confidential ang paglilipat sa labi ng dating Pangulo, kung saan kagabi lamang aniya na ipinaalam sa ilang mga opisyal ang nasabing plano.
“Remains of the late President will be brought to Manila today for internment at the LNMB. Per the desire of the family, it will be a private burial and was requested held in confidentiality. Military honors appropriate for the deceased will be rendered per existing AFP regulations. Notice was given to all concern late yesterday. The Marcos family will have a statement after the internment at a place to be announced,” ayon kay Gen. Padilla sa kanyang text message.
Inaasahang ganap na alas-dose ng tanghali ihihimlay ang mga labi ni dating Pangulong Marcos na inilipad mula sa Laoag City kaninang umaga.
Matatandaang nito lamang ika-8 ng Nobyembre ng lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, kung saan sa botong 9 ay kinatigan ng Kataas-taasang Hukuman ang paghihimlay kay dating Pangulong Marcos sa 103-hektaryang Libingan ng mga Bayani kung saan may 49-na-libong sundalo, war veterans at mga itinuturing na martir at bayani ng bansa ang nakahimlay.
Samantala, nauna na ngang iginiit ng CBCP na hindi tamang bigyang parangal at ituring na bayani ang dating Pangulong Marcos dahil sa malaking kapinsalaang idinulot ng kanyang Administrasyon sa buong bayan partikular na ang mga paglabag sa karapatang pantao at katiwalian sa kaban ng bayan.
Kaugnay nito, isa na namang paglabag sa Saligang Batas ang sorpresang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani ngayong araw.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, kinatawan ng mga human rights victims sa ilalim ng Marcos regime, hindi na rin dapat masorpresa ang lahat dahil sa namuhay ang mga Marcos ng may paglabag sa batas.
Dahil dito, nanawagan si Gutierrez sa mga direktang apektado ng diktaduryang Marcos na dalhin sa lansangan ang kanilang laban at isatinig ang maling desisyon.
Nauna ng pinayagan ng Korte Suprema na maihimlay si Marcos sa LNB noong nakaraang linggo at ito ay magaganap simula alas 12 ng tanghali kung saan isang ‘military burial’ ang inihanda sa dating diktador.