1,285 total views
Tiniyak ng bagong kura paroko ng Sta. Maria Goretti Parish ang pagpapaigting sa misyon ng simbahan lalo na ang paglilingkod sa higit na nangangailangan.
Ito ang pahayag ni Fr. Jason Laguerta sa pagdiriwang ng ika – 40 anibersaryo ng parokya nitong December 11, 2022.
Ayon sa pari, alinsunod sa panawagan ng Santo Papa Francisco na synodality ay palalawakin ang mga programa ng simbahan hindi lamang sa nasasakupang komunidad kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
“As we celebrate its 40th anniversary of establishment we would like to embark on making our parish truly S-M-G, Synodal Missional and Global,” pahayag ni Fr. Laguerta sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na bagamat apat na dekada pa lamang ang parokya ay hitik na ito sa karanasan at nag-umapaw ang biyaya sa pagtutulungan ng mananampalataya.
Sinabi ni Fr. Laguerta na maisasakatuparan ang bawat programa ng simbahan kung magbubuklod ang nasasakupang kawang abutin ang iba’t ibang sektor sa pamayanan.
Kinilala ng pari ang mga dating kura paroko ng parokya na nagpaunlad sa komunidad tulad ni Msgr. Justino Ortiz na nagpasimula sa paroyka noong December 11, 1982 katuwang ang namayapang Manila Archbishop Emeritus Jaime Cardinal Sin.
Gayundin ang pagsisikap ni Fr. Dave Concepcion na mapalawak ang misyon at programa ng Sta. Maria Goretti sa iba’t ibang bansa sa buong mundo lalo na noong pandemya.
Ayon kay Fr. Laguerta mananatiling simbahang nagmimisyon ang parokya lalo na sa pagpapaunawa sa mga aral at turo ng simbahan.
“We will always be missional we will reach out to others especially those in need we will try to share with enthusiasm the joy of the gospel and we will pursue the mission of evangelization,” ani Fr. Laguerta.
Kasabay ng pagdiriwang ang pormal na pagtalaga kay Fr. Laguerta bilang kura paroko sa ritong pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Apela ng cardinal sa mananampalataya ng parokya ang pakikipagtulungan kay Fr. Laguerta upang maging matagumpay sa misyon bilang kura paroko.
Dumalo sa pagdiriwang ang mga pari ng San Fernando De Dilao Vicariate kung saan nabibilang ang Sta. Maria Goretti Parish.