275 total views
Aktibo ang Washington DC coordinator for the US-Filipinos for Good Governance na mapairal ang kapayapaan sa West Philippine Sea sa pagitan ng China at ng Pilipinas matapos ang desisyon ng UN Permanent Court of Arbitration na pabor sa ating bansa.
Ayon kay Eric Lachica, Washington DC coordinator, Kalayaan Eco-Tourism project US-Pinoys for Good Governance, ipinapanukala nila sa administrasyong Duterte ang pagkakaroon ng ‘marine peace zone’ upang maging tahimik ang lugar.
Kaakibat nito ang pag-protekta sa likas na yaman ng Kalayaan at sa Panatag Scarborough Shoal at sa mga mangingisda maging ang kanilang kabuhayan.
“Ang Kalayaan Economic Tourism Zone, yan po ang aming propsosal kay president Duterte at mga advisers niya na the best way to provide a safe exit for China at the same time safeguard Philippine interest, now we’ll have to create a marine peace zone para mapayapa ang area and protect the environment, the marine eco-tourism zone sa Kalayaan at sa Panatag Scarborough area, so our fishermen, will be protected yung kanilang livelihood, alam ninyo naman sinisira ng China ang mga valuable marine wealth natin,” pahayag ni Lachica sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon pa kay Lachica, upang maiparating ang kanilang panukala sa administrasyon, nakikipag-ugnayan na sila sa mga ahensiyang may kaugnayan sa usapin gaya ng Department of Foreign Affairs, Defense Department at maging sa Philippine Coast Guard.
“We’ve been in communication with the DFA and Defense Dept, with Phil. Coast Guard para we can explore how we can enforce the decision of the arbitral tribunal na yung atin ay atin at yung ating mga marine resources will be protected,” dagdag ni Lachica.
Maliban sa gobyerno, nakikipag-ugnayan na rin ang grupo sa mga non-government organization (NGOs) gaya ng Kalayaan Atin Ito, Young People Protector, Marcha group at Anakbayan upang makasama nilang humarap sa Pangulong Rodrigo Duterte para ipanukala ang Kalayaan Economic Tourism Zone.
Nauna nang hindi kinikilala ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal at iginiit nila ang kanilang nine dash line claim na sinasabi ng tribunal na pasok sa exclusive economic zone ng ibat-ibang mga bansa gaya ng Pilipinas.
Sa desisyon ng Arbitral Tribunal, binabalewala nito ang nine dash line ng China, may karapatan ang mga mangingisda sa Pilipinas na mangisda sa Scarborough Shoal na inaangkin ng China at ang mischief reef ay itinuturing na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas at binatikos din ng tribunal ang pagsira ng China sa coral reef nang gumawa sila ng artificial islands na sinasabing dapat silang managot dahil ito ang pinakamalaking pinsala sa coral reef sa kasaysayan.
Ang West Philippine Sea ay may sukat na 3.5 milyong kuwadrado kilometro.
Una ng inihayag ni Justice Antonio Carpio na base sa kasaysayan hindi sakop ng China ang West Philippine Sea dahil malayo ito sa kanilang Exclusive Economic Zone kasabay ng pagsasabing kapag nawala ito sa bansa, 40 porsyento ng pinagkukunang-yaman ng Pilipinas ang mawawala, tulad na lamang ng mga isda, enerhiya at iba pa.
Una na ring inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na kinakailangan na ang yaman ng nasabing isla ay paghati-hatian ng mga maliliit na bansang nakapaligid dito.