51,599 total views
Patuloy na naninindigan ang simbahang Katolika sa pagtataguyod at pagpapatatag ng sakramento ng kasal at pagtutol sa diborsyo.
Ayon Fr. Roy Bellen, Vice President for Operations ng Radyo Veritas at kura paroko ng National Shrine of the Sacred Heart, ang pagtutol sa diborsyo ng simbahan ay nakabatay sa kautusan ni Hesus na siyang sinasandigan ng mga katuruan ng simbahan.
Itinanggi rin ng pari ang mga pahayag na walang malasakit ang simbahan sa pagdurusa ng mga mag-asawa sa kanilang pagtutol na maisabatas sa bansa ang diborsyo.
“The same Jesus, who is preaching about forgiveness, about mercy, and compassion, is the same Lord who today we hear preaching against divorce,” bahagi ng homiliya ni Fr. Bellen.
Ayon sa pari, hindi tugon ang paghihiwalay o isisi sa pagkakatali sa kasal ang mga problema ng mag-asawa, bagkus ay dapat itong bigyang pagkakataon sa pagpapanauli.
Binigyan diin pa ni Fr. Bellen, ang simbahan ay may mga programa upang magbigay ng tulong sa mga hindi nagkakaunawaang mag-asawa, na siya ring dapat bigyang tuon ng pamahalaan sa paglikha ng mga batas na ang layunin ay patatagin ang pamilya.
Sinabi ng pari na ito ang dahilan kung bakit sa buong mundo ay mayroong 10,300 counseling centers ang simbahan para sa kasal, at higit sa 400,000 libong mga pari sa buong mundo kung saan maaring lumapit at humingi ng tulong ang mga mag-asawang nagkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama.
“Bago ninyo sisihin yung kasal, please look into yourselves first. Don’t create more and more problems. Ito po ang dahilan why all over the world there are 400,000 priests to whom you can approach and confide, and go counseling. Huwag ninyo munang sirain. Try to solve it first. Because marriage is never the problem, it is a sacrament to which God blesses people, rather people who have hardness in their hearts, are the people that we should look to. This is the issue we have to address,” ayon pa sa pari.
Sa botong 131 na pumabor, 109 na tutol at 20 abstentions, pinagtibay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Absolute Divorce Act, habang nakabinbin pa ang parehong panukala sa Senado.
Bukod sa Vatican City, ang Pilipinas na lamang ang bansa sa buong mundo na walang umiiral na diborsyo makaraan na rin maging legal ang divorce sa Malta noong 2011.