409 total views
Mga Kapanalig, inaprubahan noong nakaraang linggo ng mayorya ng mga mambabatas ang pagpapalawig ng batas militar sa buong Mindanao nang isang taon pa, batay na rin sa kahilingan ni Pangulong Duterte. Sang-ayon ba kayo sa pag-extend ng batas militar sa Mindanao? Hatî ang publiko sa isyung ito, ngunit nangibabaw sa Kongreso ang kagustuhan ng administrasyong Duterte kahit pa ipinagmalaki nitong napatay na ang mga lider ng Maute at malaya na raw ang sinirang lungsod ng Marawi.
Para saan daw ang isang taóng martial law sa Mindanao? Sa liham na ipinadala ng pangulo sa Kongreso, sinabi niyang batay sa ulat ng Sandatahang Lakas, patuloy na nagre-recruit at at nagsasanay ng mga bagong miyembro ang mga teroristang grupo sa Mindanao. Inisa-isa rin sa liham ang mga pag-atakeng ginawa ng mga terorista upang ipakita ang malaking pinsalang mangyayari kung hindi sila mapipigilan. Tinapos ng pangulo ang kanyang liham sa pamamagitan ng pagsasabing kailangan ang martial law sa Mindanao upang mapigilang umabot ang masasamang gawain ng mga terorista sa ibang bahagi ng bansa.
Hindi isinasapubliko ang impormasyong hawak ng Sandatahang Lakas, na humarap din sa deliberasyon sa Kongreso, ngunit umaasa tayong nakalap iyon sa mahusay at masinop na paraan. Gayunman, nananatili pa rin ang tanong na: kailangan ba talaga ang batas militar sa Mindanao upang pigilan ang mga banta sa seguridad? Sa ibang bansang may banta rin ng terorismo, hindi nila kinailangang suspindihin ang pribiliheyo ng writ of habeas corpus o arestuhin ang sinuman nang walang warrant. Hindi ba magagawa ng mga kinauukulan ang pagpigil sa terorismo nang hindi isinasailalim ang buong Mindanao sa martial law?
May mga eksperto sa batas ang nagtatanong din kung alinsunod sa Saligang Batas ang pagpapalawig ng martial law. Sinasabi po sa ating Konstitusyon na pinahihintulutan ang pagsasailalim sa isang lugar sa batas militar kung may pagsalakay o pananakop at rebelyon, at kinakailangang protektahan ang kaligtasan ng publiko. Maituturing bang rebelyon ang mga nagaganap na pag-atake sa Mindanao? Wala pong nakasaad sa Saligang Batas na pinahihintulutan ang pagpapalawig ng batas militar upang paghandaan ang nagbabadyang pananakop o rebelyon. Sa madaling salita, may ibang paraan upang maisagawa ng mga kinauukulan ang anumang dapat nilang gawin upang panatilihing mapayapa ang isang lugar. Dito mahalaga ang pagkakaroon ng mahusay na intelligence work o pangangalap ng mahahalagang impormasyon nang hindi kinakailangang limitahan ang kalayaan ng mga inosenteng mamamayan, at nang hindi lamang gagamit ng dahas laban sa mga sinasabing kalaban ng estado.
Nakatatakot na tila ba sinasanay ng administrasyon ang taumbayan, lalo na ang mga taga-Mindanao, sa isang pamamalakad na nakasalalay sa puwersang militar. May mga mambabatas mula Mindanao na nagsabing pabor ang kanilang mga nasasakupan sa pagpapalawig ng batas militar, ngunit natanong kaya nila ang libu-libong taga-Marawi na nawala ang halos lahat sa kanila matapos ang ilang buwang bakbakan? Paano nakaaambag ang martial law sa pagbubuo ng isang kultura ng kapayapaan na kailangang pandayin araw-araw upang maitanim ito sa puso ng bawat isa? Hindi kaya ang mga programang pang-edukasyon, panghanapbuhay, pangkalusugan, at pangkatarungan ang dapat na i-extend sa Mindanao sa halip na ang batas militar?
Nakalulungkot ding tila ba isinasantabi ang Saligang Batas para lamang masunod ang nais ng isang pinuno. Binibigyang-diin sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan ang prinsipyo ng rule of law: “law is sovereign and not the arbitrary will of individuals.” Mahalagang sinusunod ang nakasaad sa ating Saligang Batas dahil ito ang pananggalang natin laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga namumuno at sa pagsupil sa kalayaan ng mga pinamumunuan.
Mga Kapanalig, huwag sanang maging hudyat ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao upang sanayin tayong lahat sa pamamahalang walang pagkilala sa mapayapang pagtugon sa mga isyu ng bansa, at walang paggalang sa mga batayang batas ng bayan.
Sumainyo ang katotohanan.