162 total views
Sang-ayon si Marawi Bishop Edwin Dela Peña sakaling palawigin pa ang martial law, subalit hindi sa buong rehiyon ng Mindanao.
Ayon sa obispo, ito ay ang kaniyang personal na pananaw para na rin bigyang daan ang rehabilitasyon ng lungsod bunsod ng labis na tinamong pinsala dahil sa limang buwang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Maute-ISIS terrorist.
Giit ng obispo, maaring palawigin ang umiiral na martial law sa mga lugar lamang na may kaguluhan subalit hindi sa buong Mindanao.
Paliwanag pa ni Bishop Dela Peña, payapa ang Zamboanga City na bahagi rin ng Mindanao kung saan matagumpay na naipagdiwang kamakailan ang National Youth Day na dinaluhan ng higit sa 2,000 mga kabataan.
Una na ring ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.
Habang inihayag ng Armed Forces of the Philippines na maari pang palawigin ang batas militar matapos ang Dec. 31 dahil sa nanatiling banta ng terorismo.
“For me it is unwise to put the whole of Mindanao in Martial law but specifically in areas that are in tension,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Si Bishop Dela Peña ang naatasang magbigay ng homiliya sa gaganaping misa para sa #RedWednesday campaign na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabrielle Caccia dakong 5:30 ng hapon ng November 18.
Layunin ng kampanya na imulat ang mga kristiyano hinggil sa nagaganap na pag-uusig sa mga Kristiyano sa buong mundo maging sa Pilipinas.
Sa Marawi, sinabi ni Bishop Dela Peña kapwa nakaranas ng karahasan ang mga kristiyano at Muslim bunsod na rin sa isinusulong ng Muslim extremist na Maute-ISIS na tamang pananampalataya.
“Definitely the fundamentalist, what they did in Marawi in fact was to cleansed Marawi from Christians and secondly of Muslims who do not live up to the true spirit of Islam. So when we talk about persecution here in the context of what happened to Marawi, it is a persecution that has been felt by both Muslims (moderate) and Christians so we see a very interesting situation here where Muslim and Christians suffered, they suffered together,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Ang Marawi ang natatanging Islamic City sa Pilipinas na binubuo ng higit sa 300,000 populasyon kung saan may 90 porsiyento ang mga Muslim.
Sa isang pahayag ng Santo Papa Francisco sinabi nitong hindi ang digmaan ang tugon sa anumang hindi pagkakaunawaan kundi ang payapang pag-uusap lalut kamatayan at pagkasira ang dulot ng kaguluhan.