534 total views
Mga Kapanalig, dahil sa nangyayaring sagupaan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at ng Maute Group sa Marawi, nagdeklara si Pangulong Duterte ng martial law sa buong Mindanao noong nakaraang Martes, ika-23 ng Mayo. Sa bisa ng Proclamation No. 216, sinususpinde ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus; ibig sabihin, maaaring dakpin ng estado—alinsunod sa proseso ng batas—ang sinuman nang walang warrant. Gaya ng pinahihintulutan ng ating Saligang Batas, ang pagsasailalim sa Mindanao sa batas militar ay hanggang dalawang buwan lamang, ngunit nagpahiwatig ang ating pangulo na maaari niya itong palawigin. Hindi rin niya isinasantabi ang posibilidad na ilagay ang buong bansa sa ilalim ng martial law kung aabot daw ang gulo sa ibang bahagi ng bansa. Banta pa niya, ang martial law na kanyang ipatutupad ay magiging marahas gaya ng ginawa ni dating Pangulong Marcos.
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang pagsasailalim ng buong Mindanao sa martial law. May mga sumang-ayon dito, at may mga tumutol din, kabilang ang ilang grupo sa Mindanao. May mga nagtatanong: kung sa Marawi naman naganap ang pag-atake, bakit kinakailangang buong isla ng Mindanao ang ipasailalim sa martial law? Hindi raw ba sasapat na ideklara lamang ito sa Lanao del Sur, ang probinsyang nakasasakop sa Marawi? Sa laki at lawak ng saklaw ng kapangyarihan ng pangulo—kasama ang Sandatahang Lakas at Pambansang Kapulisan—bakit martial law agad ang naging tugon ng administrasyon sa sitwasyon sa Marawi?
Nakaugat ang mga agam-agam na ito hinggil sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao sa karanasan natin nang isinailalim ang Pilipinas sa batas militar noong rehimeng Marcos. Itinuturing iyon bilang isa sa madilim na yugto sa ating kasaysayan, dahil naging laganap noon ang mga paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa poder. Ito ang mga dahilan kung bakit inilagay sa kasalukuyan nating Saligang Batas ang mga “safeguards” o pananggalang bago magdeklara ang pangulo ng batas militar.
Kinikilala ng Santa Iglesia ang terorismo bilang mabigat na kasalanan sa buong sangkatauhan, kaya makatwiran lamang na ipagtanggol natin ang ating mga sarili laban sa mga nagpapalaganap nito. Ngunit ang pagtatanggol na ito ay dapat pa ring nakabatay sa moral at legal na mga panuntunan, sapagkat ang pagsugpo sa terorismo ay dapat na nakaugat sa dangal at karapatang pantao at sa mga prinsipyo ng estadong may mga batas na pinaiiral. Samakatuwid, bagamat ang sinasabing pangunahing dahilan ng pagpapairal ng batas militar sa Mindanao ay upang ilayo ang mga kababayan natin roon sa higit pang kapahamakan, hindi ito dapat na maging dahilan upang isantabi ang mga karapatan ninuman sa pamamagitan ng pag-abuso sa kapangyarihan ng mga tagapagpatupad ng batas at tagapagpanatili ng kapayapaan sa Mindanao.
Ganito ang pananaw ni Ozamiz Archbishop Martin Jumaod. Naniniwala siyang kailangang paigtingin ng pamahalaan ang aksyon nito upang maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa Marawi. Ngunit paalala niya, kailangang may malinaw na mekanismo upang hindi humantong sa paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso ang pagbibigay ng dagdag kapangyarihan sa militar.
Sang-ayon man tayo o hindi sa naging pasya ng pangulo, lahat tayo ay umaasang matitigil sa lalong madaling panahon ang nagaganap na karahasan sa Marawi. Tayong mga malayo sa Marawi ay inaasahang laging maging mapanuri sa mga impormasyong ating nababasa, naririnig, at ibinabahagi. Patuloy tayong magdasal para sa kaligtasan ng ating mga kababayan, para sa lakas ng loob ng ating mga sundalo, at para sa malinaw sa pagpapasya ng ating pamahalaan.
Hindi man natin pa masasagot ang tanong kung martial law nga ba ang kailangan sa Mindanao, huwag nating hayaang humantong ang pasyang ito ng ating pamahalaan sa malawakang pag-abuso at kapahamakan ng mga inosente.
Sumainyo ang katotohanan.