4,398 total views
Kinakailangan ang patuloy na paninindigan ng bawat isa para sa pangangalaga sa buhay at dignidad ng bawat mamamayan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Rev. Fr. Jerome Secillano – rector ng Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine sa naganap na ‘Mass for Martial Law Victims at the EDSA Shrine’ bilang paggunita sa ika-51 anibersaryo ng Martial Law Declaration ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon sa Pari na siya ring executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, ang paninindigan at pagsusulong sa karapatang pantao ng bawat mamamayan ay hindi dapat na ituring na pagkalaban sa pamahalaan sa halip ay isang paraan ng pagsusulong sa common good o ang mas makabubuti para sa mas nakararami.
“Tayo po ay dapat na manindigan ng sa gayun ang buhay ay pangalagaan, ang karapatang pantao ay isulong at sana tayo ay nagkakaisa sa pakikipaglaban nating ito, hindi po natin kinakalaban ang pamahalaan ngunit tayo lang ay naninindigan para sa mas makabubuti sa lahat, mas makabubuti sa taumbayan, mas makabubuti sa ating mga kapatid.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Secillano.
Paliwanag ng Pari, bagamat dapat na gawing huwaran ng bawat isa ang Diyos na maawain at nagbibigay ng pangalawang pagkakataon ay dapat namang maging mapagbantay ang lahat upang hindi na muling maulit pa ang mga naranasang paglapastangan sa bayan.
Partikular na tinukoy ni Fr. Secillano ang pangalawang pagkakataong ipinagkaloob ng taumbayan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang anak ng dating pangulo na nagdeklara ng Batas Militar sa bansa na itinuturing na madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Giit ng Pari, dapat na maging mapagbantay ang lahat upang hindi na muling bigyang pagkakataon na maulit pa ang mga paglapastangan sa karapatang pantao, karahasan at panininil sa demokrasya ng bansa.
“Ang Diyos ay maawain, ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataon, binigyan muling pagkakataon ang ating pangulo (President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.) pero huwag po tayong papayag na bigyang pagkakataon muli yung paglapastangan sa karapatang pantao, huwag tayong papayag na muli na maraming mamatay dahil lumalaban, nakikibaka, huwag tayong pumayag na tayo ay patuloy na apihin, hindi natin bibigyan ng pagkakataon yung mga bagay na yan ay muling mangyari po sa ating bayan at muling malasap ng ating mga kababayan.” Dagdag pa ni Fr. Secillano.
Pinangunahan ang “Mass for Martial Law Victims at the EDSA Shrine” nina Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias at Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez na layuning alalahanin at ipanalangin ang mga biktima ng Batas Militar.
Bahagi ng panawagan ng mga Obispo ang sama-samang pananalangin ng lahat upang hindi na muling maulit pa ang itinuturing na madilim na kasaysayan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar.
Sa loob ng 14 na taon mula ng ideklara ang Martial Law noong September 21, 1972 samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino kabilang na ang aabot sa 3,240 pinaslang at higit sa 75,000 indibidwal mula sa buong bansa na lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.
Iginiit din ni 1987 constitutional framer Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani at Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual sa mamamayang Pilipino na huwag hayaang maulit ang batas militar at ang karahasang dulot dito ay hindi dapat makalimutan.
Read: https://www.veritasph.net/matuto-sa-mga-pagkakamali-at-aral-na-dulot-ng-martial-law/
Huwag hayaang maulit ang batas military, hamon ng Obispo sa mga Pilipino