560 total views
Kasabay ng pagdiriwang ng International Peace Day, ginugunita rin sa Pilipinas ang ika-50 taon ng Martial Law Declaration ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza-chairperson ng Church-Workers Solidarity, ang umiral na batas militar ang isa sa pinakamapanganib na naganap sa kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng diktaduryang Marcos.
Nakikiisa rin ang samahan kasama ang libo-libong mamamayan ng Pilipinas sa pag-alaala sa mga naging bayani ng bayan na nakipaglaban para sa demokrasya at Kalayaan mula sa paniniil.
Nangangamba rin ang CWS na kasabay ng paggunita ng ika-50 taon ng Martial Law ay nataon ding nailuklok bilang Pangulo ng Pilipinas si Ferdinand Marcos Jr. ang ika-17 pangulo ng bansa.
“Under Marcos 2.0 workers and church people are facing heightened political repressions. The National Task Force to End Local Communist Insurgency (NTF-ELCAC) continue to wage violent and deceptive mechanisms supposedly to win over the hearts of those they level as rebels, communists or terrorists,” ayon pa sa pahayag.
Paliwanag pa ng pahayag na kalimitan sa mga biktima ng red tagging ay pawang mga sibilyan, manggagawa, pastor, pari at mga madre na naglilingkod sa maliliit at mahihirap na komunidad sa mga kanayunan.
“They are continually being harassed, intimidated, and illegally arrested and detained.”
Kailan lang ay inaresto ng pamahalaan ang ilang miyembro ng Rural Missionaries of the Philippines kabilang ang 16 na madre sa paratang na pagpopondo sa mga miyembro ng New People’s Army.
Nakikiisa rin ang CWS kasama ang civil society groups sa panawagang na huwag pondohan ang NTF-ELCAC sa halip ay ituon ang pondo ng pamahalaan sa basic social services tulad ng edukasyon, pabahay at pangkalusugang pangangailangan ng mga mahihirap na pamayanan sa bansa.