317 total views
Mga Kapanalig, “to serve and protect” ang motto ng ating mga pulis. Kaakibat ng unipormeng suot at armas na tangan nila ang tungkuling paglingkuran at protektahan tayong mga mamamayan. Bilang mga lingkod-bayan, sumumpa silang pangangalagaan ang kapakanan ng publiko.
Ngunit nababahiran ito ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa mga baluktot na gawain. Noong isang linggo, kumalat ang video ng isang lasing na pulis na sinabunutan at pinatay ang isang 52 taong gulang na ginang sa Barangay Fairview dito sa Quezon City. Makapanindig-balahibo ang nakunang video. Haharap ang pulis sa kasong murder, habang sinampahan na rin siya ng kasong administratibo na maaaring magtanggal sa kanya sa serbisyo. Mala-eksena pa sa teleserye ang ginawang pagsermon ni PNP Chief Guillermo Eleazar nang makaharap niya ang pulis. Nangyri ito ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang magulantang tayo sa pagpatay din ng isang pulis sa Tarlac sa mag-inang nakasagutan niya. Nakunan din ng video ang pagpatay sa kanila ng pulis.
Itinuturing ng PNP na “isolated case” ang mga krimeng ang mga pulis ang pangunahing may gawa. Sa tuwing may lumalabas na ganitong mga balita, mabilis na sasabihin ng mga namumuno sa ating pulisya na ginagawa nila ang lahat para malinis ang kanilang hanay, na patuloy ang tinatawag nilang “internal cleansing.” Nakikiusap din silang huwag idamay ang matitinong pulis sa negatibong imaheng dala ng mga pulis na sangkot sa krimen. Bayani raw na maituturing ang mga pulis dahil sa maraming pagkakataon, handa silang ilagay sa panganib ang kanilang buhay para mabuhay ang iba.
Hindi natin itinatangging may mabubuti pa ring mga pulis, na may mga mapagkakatiwalaan pa rin tayo sa kanila. Ngunit hindi ito dahilan upang hindi na natin punahin ang institusyong ang pangunahing tungkulin ay pangalagaan ang buhay ng tao. Ilang taon na rin silang naging instrumento ng administrasyong Duterte para sa madugong giyera nito laban sa iligal na droga, at hindi kakaunti ang mga pagkakataong mga armas nila ang dahilan upang masawi ang mga kababayan nating hindi nabigyan ng tsansang dumaan sa tamang proseso ng batas at magbagong-buhay.
Sa kabila ng mga dungis sa imahe ng pulis dahil na rin sa kanilang kagagawan, isa sila sa mga pinakapinahahalagahan ng kasalukuyang administrasyon. Sa bagong pandemic package relief—na tinatawag ding “Bayanihan To Arise As One Act” (o Bayanihan 3)—na nakahain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at may kabuuang halagang 401 bilyong piso, aabot sa halos 55 bilyong piso ang inilaan para sa pensyon ng mga pulis at sundalo. Pambawi raw ito sa malaking bawas noon sa pondong nakalaan sa mga tagapagpatupad ng batas. Ngunit sa harap ng nagpapatuloy na krisis na dala ng pandemya, marami ang nagtatanong kung bakit prayoridad ito kaysa sa mga programang pakikinabangan sana ng mga guro at magsasakang apektado rin ng pandemya.
Hindi natin sinasabing hindi karapat-dapat ang mga pulis na tumanggap ng pensyon. Ngunit maging sensitibo sana ang ating kapulisan sa kalidad ng serbisyong inaasahan sa kanila lalo pa’t pinahahalagahan sila nang malaki ng pamahalaan. Mas malalim ang ugat ng problema sa kanilang hanay na nauuwi nga sa paglalagay nila sa kanilang kamay ng batas. Ang isyu ng karahasang ginagawa ng mismong mga pulis ay isang tanong tungkol sa kung paano nila pinahahalagahan ang buhay at dignidad ng tao, mga pagpapahalagang matingkad sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan.
Mga Kapanalig, tayong lahat, kabilang ang mga pulis, ay inaasahang maging mga tagapamayapa. “Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos,” wika nga sa Mateo 5:9. Higit sa lahat, ang mga pulis ang dapat maging instrumento ng kapayapaan, hindi ng terorismo at pagpatay.