3,067 total views
Sa kabila ng patuloy na krisis sa pandaigdigang ekonomiya, nagpapasalamat si House Ways and Means committee chairperson Joey Sarte Salceda ng Albay na nalagpasan ng Bureau of Customs (BOC) ang ‘target collection’ sa buwan ng Abril.
Sa simula nang pagdinig ng komite sa kamara, pinasalamatan ng mambabatas ang BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR)sa kanilang revenue collection performance na nakakolekta ng P68.274 bilyon noong nakalipas na buwan na higit sa P68.199 bilyon na target.
“This suggests that, despite uncertain global conditions, our tax collection agencies are exceeding expectations and are working hard to earn the lifeblood of Philippine government.” dagdag pa ni Salceda.
Sa ulat ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa unang apat na buwan ng taon ay nakakolekta na ang adwana ng P281.902 bilyon lagpas ng 6.29 porsyento o P16.682 bilyon sa target na P265.220 bilyon.
Mas mataas naman ito ng 10.89 porsyento sa nakolektang P254.226 bilyon sa unang apat na buwan ng 2022.
Noong Abril 28 ay naitala rin ng adwana ang pinakamalaking daily collection na umabot sa P7.510 bilyon na nalagpasan ang mataas na record na P6.074 bilyon na naitala noong Oktobre 14, 2022.
Pinasalamatan ni Rubio ang mga empleyado at stakeholder ng ahensya sa dedikasyon at masigasig na pagtratrabaho na nagreresulta sa magandang performance ng BOC.