1,624 total views
August 20, 2020-11:08am
Nangangamba rin ang munisipalidad ng Dimasalang sa Masbate dulot ng patuloy na aftershocks matapos ang 6.6 magnitude na lindol sa Cataingan, Masbate.
Ayon kay Fr. Paolo Granado Cervantes, parish priest ng Saint Joseph, bagama’t walang matinding pinsala sa mga gusali sa kanilang ay ito ang pinakamalakas na lindol na kaniyang naranasan.
“So far ito ang pinakamalakas na na-experience ko na pagyanig dito sa Masbate. Kasi native din ako ng Masbate. So far, ito ang pinakamalakas na naranasan ko,” ayon kay Fr. Cervantes sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Ang Masbate ay binuguo ng 21 bayan kung saan and Dimasalang ay may 36 na kilometro ang layo mula sa Cataingan.
“Natakot kami sa safety ng mga tao syempre. Lalu dito sa amin, although maganda naman ang pundasyon ng aming simbahan at kumbento. Pero kakaiba talaga ang naranasan naming as in nakakatakot kasi it was the first time that we ever experience (ang ganitong klase) ng lindol,” ayon pa kay Fr. Cervantes.
Ayon sa pari matapos ang malakas na lindol ay sunod-sunod pang pagyanig ang kanilang naranasan kaya’t karamihan sa mga residente ay sa labas na lamang naglagay ng masisilungan para sa kaligtasan ng kanilang pamilya.
Sa ulat naman ni Bitong Española ng Masbate Spirit FM, sa Cataingan ilan sa mga residente ang pansamantalang ngayong nanunuluyan sa Cataingan National High School matapos na mapinsala ang kanilang mga bahay dulot ng lindol.
Ilang mga residente naman ang nagtayo ng mga pansamantalang sisilungan sa kanilang bakuran sa pangambang tuluyan ng bumagsak ang bahay dahil sa patuloy na pagyanig.
Ayon pa kay Española, nangangamba rin ang mga taga-barangay Matayong dahil sa hindi normal na pagtaas ng tubig sa baybayin- dulot na rin ng pagbaba ng lupa sanhi ng malakas na lindol.
Una na ring nanawagan ng tulong si Masbate Bishop Jose Bantolo para sa mga residenteng labis na naapektuhan ng lindol.
Sa munisipalidad ng Cataingan na siyang sentro ng pagyanig, ito ay binubuo ng 35 barangay na sa inisyal na ulat ay pitong barangay ang labis na napinsala.