210 total views
Hinimok ng Courage Philippines ang mga kabataan na lalo pang palalimin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Ito ay matapos ang pagsasagawa ng ika-70 Ka-Talk Forum sa pangunguna ng Archdiocesan Commission on Youth ng Archdiocese of Manila sa San Isidro Catholic School noong ika-22 ng Hunyo, na tumalakay sa usapin ng same sex attraction.
Ayon kay Bro. Edwin Valles, President ng Courage Philippines, tanging ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon ang magiging susi upang mapaglabanan ng mga kabataan ang makamundong pagkakasala.
“In persons with same sex attraction it is really a journey, prayer and being active in the church really helps.” Bahagi ng pahayag ni Valles.
Ibinahagi pa nito ang kan’yang karanasan nang siya ay naging aktibo sa pagiging isang homosexual.
Dagdag pa ni Valles hindi maaaring pagsabayin ng isang tao ang paglilingkod sa simbahan at ang makasalanang buhay ng isang homosexual.
“Even if I think I am having the best of both worlds, deep inside I am not at peace. Habang lumalalim ang connection ko sa Panginoon napuputol ito by being homosexual. I cannot escape what was deep inside me, lahat tayo binigyan ng Diyos ng konsensya, dumating ang point na naging mas mahalaga sakin ang relationship with Christ than being a homosexual. Hindi pwedeng mabuhay ng double life, hanggat pino-pursue natin ang double life, we will never be at peace,” pagbabahagi ni Valles.
Naniniwala din si Valles na sa kabila ng pagkakaroon ng same sex attraction ay tinatawag pa rin ang mga homosexual sa malinis at moral na pamumuhay kasama ang Panginoon.
“We all can grow in the virtue of chastity gradually. Homosexual persons, they also belong to the church and they are also called to chastity. Chastity is a pre-requisite to vocation,” pagbibigay diin pa ni Valles.
Nito lamang ika-10 ng Hunyo, inilabas ng Congregation for the Catholic Education sa Vatican ang dokumentong may titulong “Male and Female He Created Them.”
Ang tatlumpu’t isang pahinang dokumento ay nagsilbi ring panawagan sa mga pamilya, paaralan at sa buong lipunan upang matutunan ng mga bata ang orihinal na katotohanan sa kasarian na pagkalalaki at pagkababae.