235 total views
Kapanalig, kamusta na ba ang mga siyudad sa ating bansa? Sila ba ay mga kaaya-aya pang mga lugar sa iyo?
Ang Metro Manila, kapanalig, ay ang pinaka-malaking urban agglomeration sa ating bansa. Ang mega city na ito ay binubuo ng 17 local government units- 16 na siyudad at isang munisipalidad. Ang mga ito ay ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at ang munisipalidad ng Pateros. Karamihan sa mga siyudad na ito ay bumabaybay sa Ilog Pasig, kung saan sinasabi nagsimula ang mga naunang mga komunidad ng ating kinikilalang National Capital Region o NCR ngayon. Kaya nga ang Ilog Pasig ang sinasabing piping saksi sa makulay na kasaysayan ng ating kapital.
Ang Ilog Pasig din, kapanalig, ay sumasalamin sa pagbabagong pinagdaraanan ng Metro Manila. Noon, ang ilog na ito ay napakahalaga- ito ay nagbibigay pagkain, trabaho, pati na rin transportasyon sa mga residenteng pumapaligid doon. Ito rin ay naging lugar ng local at internasyonal na kalakalan. Kaya nga’t ang ilog na ito ay tinaguriang life and blood ng Metro Manila. Ang sigla nito ay simbolo rin ng pag-usbong ng mga siyudad sa paligid nito.
Sa paglipas ng panahon, unti unting namatay ang Ilog Pasig, hanggang sa dineklara na itong biologically dead noong 1990s. At ngayon, buhay na buhay man dahil ang Metro Manila sa dami ng mga taong naninirahan at nagtatrabaho dito, ramdam mo na rin na nagde-deteriorate na ang na rin ito – maitim na ang katubigan ng ilog, kulang pa tayo sa mga luntiang espasyo. Gray o kulay abo o kulay usok ang paligid—masikip, abala, at kadalasan marumi.
Kapanalig, buhayin natin ang kabisera ng bayan. Huwag nating hayaan mas lumubha pa ang kalagayan nito. Kailangan natin ng mas inobatibo at inklusibong estratehiya upang mabalik natin ang ganda ng ating sentro ng kalakalan sa bansa.
Ilan sa ating mga dapat unahin ay pagsasaayos ng transport system sa Metro Manila. Puno ang ating mga kalye ng mga pribadong sasakyan, at ang ating public transport system ay halos hindi kayanin ang dami ng mga pasahero.
Ang slum settlements din sa ating mga siyudad ay nananatili pa ring pangunahing problema ng mga siyudad sa ating bayan. Hanggang ngayon, hindi pa rin masolusyunan ang isyung ito dahil ang ating pananaw ukol sa slum settlements ay lagi nating hinihiwalay sa ibang usaping urbanisasyon at kahirapan. Hindi natin nakikita ang koneksyon ng ating mga problema sa lungsod, kaya’t patse patse o piecemeal ang tugon ng ating mga lokal na gobyerno.
Ang masiglang kabisera, kapanalig, ay kabiserang luntian, inklusibo at sustainable. Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon sa Metro Manila, tuluyan ng magde-deteriorate ang kalagayan nito, at hihilahin ang ekonomiya pababa.
Sa kanyang address para sa United Nations Environmental Programme noong 2015, nanawagan si Pope Francis sa mga estado na tiyakin ang maayos at epektibong pagpaplano ng urbanisasyon, dahil tao ang maapektuhan nito. Paalala niya: Rapid urbanisation shatters lives and dreams… disproportionate and unplanned growth of cities is unhealthy and inefficient. Ang ganitong sitwasyon, gabay ng mahal na papa, ay maaaring magdulot ng social breakdown at mas maraming insidente ng karahasan. Magdadala rin ito ng mga panibagong uri ng social aggression.
Sumainyo ang Katotohanan.