176 total views
Isasagawa sa lahat ng parokya sa Diyosesis ng Balanga, Bataan ang “holy hour at banal na misa” sa unang Biyernes ng Mayo para taimtim na ipanalangin ang nalalapit na halalan sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, layon nitong ipagdasal at i-alay sa Diyos ang pagkakaroon ng isang mapayapa at malinis na halalan sa bansa.
“Sa unang biyernes ng buwan ng Mayo ay magkakaroon ng holy hour sa lahat ng parokya at misa sa umaga para sa May 9, para sa kapayapaan at kalinisan ng halalan.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na ang Diocese of Balanga ay mayroong tatlong ‘K’ sa mga botante para sa pagpili ng isang tama at maayos na kandidato sa eleksiyon.
Inihayag ni Bishop Santos na ang mga botante ay dapat na pumili ng kandidato na kumikilala sa kapangyarihan ng Diyos at bumuto para sa kadakilaan ng Diyos.
Pangalawa, inihayag ng Obispo na ang ibobotong kandidato ay dapat nagsasaalang-alang ng kabutihan ng kanilang lalawigan at hindi dapat nagsusulong ng pagmimina,coal power plant na sisira sa kanilang lalawigan gayundin ang mga casino.
Pangatlo, ang iboboto ay mayroong kabanalan na hindi sila mandaraya, mamimili at manunuhol para sila ay iboto.
12-araw bago ang pinakahihintay na national election sa ika-9 ng mayo kung saan ang 54.6-milyong mga botante ay nangangailangan ng taimtim na pananalangin upang makaboto ng maayos at tapat.