374 total views
Nanawagan si Cielo Magno, dating Department of Finance Undersecretary at University of the Philippines College of Economics Associate Professor sa pamahalaan na paghandaan ang pagpapauwi sa maraming Pilipino mula Amerika dahil sa mass deportation policy ni USA President Donald Trump.
Ayon kay Magno, bagamat hindi lubhang makakaapekto sa ekonomiya ang deportation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at Filipino Migrants ay dapat paghandaan ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mga mapapauwi sa bansa.
Tinukoy ni Magno ang pag-alok ng kalidad na trabaho sa mga mapapauwing skilled at professional workers at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa upang magbukas ng oportunidad sa mga apektado ng deportation.
“Ang challenge niyan sa gobyerno ay lumikha ng maraming trabaho para magkaroon sila ng oportunidad dito ay ang challenge na yun sa gobyerno ay hindi lamang ngayon, continuing challenge kaya napakahalaga na magkaroon ng malinaw na direksyon ang gobyernong ito kung paano nga ba makakalikha hindi lamang ng mga basta-bastang trabaho kung hindi yung kalidad na trabaho para sa ating mga kababayan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Magno.
Naniniwala naman si Magno na pagkakataon ng ibang bansa ang paghihigpit ni Trump upang higit na isulong ang pagkakaisa, maisabuhay ang demokrasya at pangangalaga sa kalikasan.
“Marami parin namang ibang bansa ang nagtataguyod ng mga prinspiyong mahalaga sa atin, ang importante lang po, the other countries will step up in terms of pushing for mga values na pinapahalagahan ng buong mundo, katulad ng mga usapin sa demokrasya, usapin sa environment, climate change ETC, so yun lang po ang masasabi ko doon ,” ayon pa sa mensahe ni Magno. Batay sa datos ng Department of Migrant Workers, umaabot sa 4.1-million ang bilang ng mga OFW at Filipino migrants sa Amerika.
Noong 2023, naitala ng Philippine Statistics Authority na sa kabuoang OFW remittance rate ay 9.8% ang nagmumula sa mga OFW at migrants sa America.