477 total views
Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang ‘Mass for Peace’ na gaganapin sa Our Lady of Fatima Parish sa Mandaluyong City bukas, March 13, araw ng Linggo ganap na ika-lima ng hapon.
Ayon kay Fr. Carlos Reyes, Kura Paroko ng Our Lady of Fatima, layunin ng pagdiriwang ng Misa ang pananalangin ng sambayanan para sa pagkakasundo at pagtatapos ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Paanyaya at tema ng pagdiriwang ang ‘Pray the Rosary for World Peace and Conversion of Russia’ na layung hingin ang pamamagitan ng Mahal na Birhen para sa kaligtasan ng mamamayan mula sa kaguluhan sa Silangang Europa gayundin ang pagwawakas ng umiiral na pandemya sa buong mundo.
Matatandaang taong 1930 nang maganap ang aparisyon ng Mahal ng Birhen ng Fatima sa Portugal na panahon din ng pag-iral ng salot at Unang Digmaang Pandaigdig.
Hinikayat din ng Pari ang mananampalataya na kasamang ipanalangin ang instensyon ang kaluluwa ng mga nasawing biktima dahil sa digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine maging sa iba’t ibang panig ng mundo na patuloy ang kaguluhan.
Bukod sa mga nais dumalo sa parokya ng Our Lady of Fatima, maaari ring matunghayan ang Misa sa live streaming at Facebook page ng parokya.
Sa pinakahuling talaan ng United Nations (UN) Refugee Agency, umaabot na sa 1.9 milyong mamamayan ng Ukraine ang nawalan ng tirahan bunsod ng digmaan, habang may 2.3-milyong ang lumikas at nagtungo sa kalapit bansa.
Umaabot narin sa higit 500-katao ang nasasawi at mahigit 1,000 naman ang sugatan sa kaguluhan na dulot nang pananakop ng Russia sa Ukraine na nagsimula noong February 24.