364 total views
Kinundena ng isang paring Heswita mula sa Ateneo de Davao University (AdDU) ang nangyaring massive siltation sa Mapagba River sa Barangay Maputi, Banaybanay, Davao Oriental.
Ayon kay Fr. Ernald Andal, SJ, assistant to the Academic Vice President ng AdDU ,sanhi ng ilegal na pagmimina mula sa kabundukan ng Davao Oriental ang nangyaring siltation kung saan nagkulay kahel o orange ang ilog.
Inihayag ng Pari na suliranin ngayon ng mga residente ng Barangay Maputi ang insidente na nakaapekto na rin sa kanilang pamumuhay.
“What was previously a clear river used for bathing, laundry, fishing, and as sources of aquatic resources is now a murky pond of silt, devoid of any marine life,” ayon kay Fr. Andal mula sa kanyang facebook post.
Nananawagan naman sa mga kinauukulan si Fr. Andal na agad na magsagawa ng pagsusuri upang malaman ang posibilidad ng pagkakaroon ng mapanganib na kemikal sa ilog para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng komunidad.
Giit ng pari na dapat patawan ng karampatang parusa ang mining company na responsable sa nangyaring malawakang siltation na nakaapekto na rin sa karagatan.
“The mining company responsible for this must be penalized and be issued a cease and desist order for having deprived the lowland communities of their source of life,” saad ni Fr. Andal.
Hinihimok din ni Fr. Andal ang Administrasyong Duterte na muling ipawalang-bisa ang mga panuntunan at batas na nagpapahintulot sa muling pagsasagawa ng pagmimina sa bansa na unti-unting sumisira sa inang kalikasan at humahadlang sa karapatan ng susunod pang henerasyon.
“The Philippine government must rethink its pivot to mining by revoking [Executive Order] 130, Series of 2021, canceling [Department of Environment and Natural Resources Administrative Order] 2021-40, and repealing [Republic Act] 7942. We owe this to the future generation,” ayon sa pari.