457 total views
Hinihiling ni Diocese of Pagadian Bishop Ronald Lunas na sumailalim sa masusing imbestigasyon ang naganap na sunog sa gusali ng Department of Health Integrated Provincial Health Office sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Naganap ito noong Oktubre 31 kung saan napinsala ang nasa mahigit-100,000 doses ng COVID-19 vaccine matapos na maapektuhan ng sunog ang maintenance at supply area ng gusali.
Sinabi ni Bishop Lunas na lubhang nakakalungkot ang naganap na sunog sapagkat malaki ang epekto nito sa pagkakaantala ng kampanya ng lalawigan upang labanan ang COVID-19.
“The incident is indeed unfortunate. It’s a big loss in the campaign against COVID-19. Around 100,000 vaccines wasted are no joke! My wish is that there will be a thorough investigation on what happened as this concerns the common good,” pahayag ni Bishop Lunas sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, umaasa naman ang Obispo na sa kabila ng naganap na sakuna ay masolusyunan agad ito ng mga kinauukulan upang patuloy pa ring maisagawa ang vaccination program para sa kaligtasan ng mamamayan laban sa pinangangambahang virus.
“I further hope that there will be assistance from agencies concerned for the province of Zamboanga del Sur to continue the vaccination program to protect more people from getting infected by the virus,” saad ni Bishop Lunas.
Nauna nang sinabi ni National Task Force against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez na agad itong magpapadala ng mga kinakailangang COVID-19 vaccine doses upang maipagpatuloy ang vaccination program sa lalawigan.
Inihayag din ni Justice Secretary Menardo Guevarra na iimbestigahan din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naganap na insidente para matingnan ang posibilidad na maaaring sinadya ang sunog.
Batay naman sa ulat ng Bureau of Fire Protection, tinatayang nasa humigit-kumulang 1.5-milyon ang halaga ng mga pinsala at wala namang nasawi o nasugatan sa insidente.
Napinsala naman ang nasa 9,176 na AstraZeneca vaccines, 14,400-Moderna vaccines, 88,938-Pfizer vaccines at 36,164 naman ng Sinovac vaccines.
Kabilang din sa nasunog ang mga bakuna para sa mga sakit na hepatitis, tigdas at polio.