449 total views
Nananatiling suliranin sa Pilipinas ang mataas na inflation rate.
Ito ang tugon ni IBON FOUNDATION Executive Director Sonny Africa sa pagtatala ng 4.6% inflation rate para sa buwan ng Oktubre kumpara sa 4.8% na naitala noong Setyembre 2021/
Ayon kay Africa, ang mga ordinaryong pamilyang Pilipino ay labis na naapektuhan ng inflation rate at mataas na presyo ng krudo na dahilan ng mataas na presyo ng mga bilihin.
“Tatlo sa apat na pamilyang Pilipino, wala na silang ipon, ibig sabihin isang kahig isang tuka, kung wala kang makain kung wala kang trabaho, wala kang matutuka ikalawang problema yon, ikatlo- pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay tinutulak na pagtaas na presyo ng bilihin, maiipit talaga dito yung ordinaryong pamilyang Pilipino, wala ka ng pambili dahil wala kang trabaho, wala ka ng ipon mataas pa yung presyo ng bilihin, nakakabahala siya,” pahayag ni Africa sa Radio Veritas.
Iminungkahi ni Africa ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga mamamayang labis ng naapektuhan ng pandemya hindi lamang sa panahon ng pag-papairal ng mga pinakamahihigpit na panuntunan ng lockdowns.
Sinabi ni Africa na ang hakbang ay upang mapalakas ang sektor ng kalakalan sa bansa kung saan mapapalakas din ang produksyon ng ibat-ibang Agricultural-products at matutulungan ang mga manggagawang kabilang sa sektor ng agrikultura.
“Yung magdagdag ng ayuda bigyan ng purchasing power ang ordinaryong pamilya, actually udyok yan sa produksyon kasi kung may pambili yung pamilya yung ang magbibigay ng bilihan ng merkado para sa agricultural products yun ang mag-uudyok doon sa production ng mga magsasaka’t mangingisda so kumbaga may long-term na pakinabang din yan yung ayuda bilang pagpapasigla ng agrikultura, pwede namang gawin yan kung gugustuhin ng gobyerno at magagawa naman yan,” ani Africa.
Ayon pa kay Africa, suliranin nadin para sa mga magsasaka at mangingisda ng bansa ang mahigit sampung linggong magkakasunod na oil price hike dahil apektado narin nito ang kanilang mga produksyon ng pagkain ng bansa.
Apela din ng opisyal ng IBON FOUNDATION ang pagkakaroon ng suporta at karagdagang pondong ilalaan upang matugunan ang mga suliranin na kinakaharap ng lokal na Agricultural Sector sa halip na unahin ang pag-aangkat ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura na mula sa ibang bansa.
“I think 3% na lang ng budget ngayon ang nasa agrikultura sa 2022 suppose budget parang tatlo’t kalahating porsyento lamang on average ang nakaraang average from 2017 hanggang sa 2021 Kaya ang ibig-sabihin ng walang budget- kung walang budget walang suporta sa mga magsasaka kung ididikit natin sa importasyon mukhang yan ang maling pag-iisip ng ating economic managers na wag tulungan ang mga lokal na magsasaka pero tulungan ang mga dayuhang magsasaka kumbaga binibigyan pa nila ng merkado yung mga magsasaka ng Vietnam, ng Thailand,” pagbibigay diin ni Africa.
Unang nanawagan ang Caritas Philippines sa pamahalaan upang suportahan ang lokal na sektor ng agrikultura ng Pilipinas upang matiyak na mayroong sapat na suplay na pagkain ng bansa.