137 total views
Ipinagpasalamat ng Diocese of Bataan ang inaprubahang P4.7 bilyong total administrative disability ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga retiradong militar noong ikalawang digmaang pandaigdig na may edad 80 taon pataas.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, makakahinga na rin ng maluwag ang mga beterano sa taon – taon nilang pakikibaka tuwing sasapit ang ika – 9 ng Abril, Araw ng Kagitingan upang ipanawagan ang increase sa kanilang benepisyo.
Paliwanag pa ni Bishop Santos na nagsisilbing halimbawa ang mga beteranong militar sa panahon natin ngayon upang sariwain ang kabayanihan para sa pagmamahal sa Diyos at bayan o pagiging martir sa terminolohiyang ginagamit ng Simbahang Katolika.
“Ito ay maganda sapagkat kapag dumarating ang April 9 palagi ng hinihiling at palaging tinatanong ng ating mga beterano ang increase na palagi nilang sinasabi na matagal na nilang hinihintay hanggat kami ay malakas. Hangga’t kami ay naririto dapat aming maramdaman, maranasan at matikman yung increase na dapat ay matupad na, maganda na kung saan ito ay nagpapahalaga sa mga bayani at inspirasyon sa iba na maging bayani,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunita na sinabi ni Pangulong Duterte na, P3.5 bilyong piso ang inilaan sa mga balong beterano at P1.2 bilyong piso sa mga retiradong militar kung saan nilagdaan na rin ang joint implementing rules and regulation (IRR) nila Budget Secretary Benjamin Diokno at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Nabatid naman sa tala ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), 12,730 na lamang ang bilang ng mga makikinabang sa mas mataas na old age pension, pinakabata sa mga ito ay 84 habang 105 years old naman ang pinakamatanda.