295 total views
May 15, 2020, 10:34AM
Kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima at Pagtatalaga ng Pilipinas sa Kalinis-linisang Puso ni Maria noong ika-13 ng Mayo 2020, naitala ang mataas na bilang ng paggaling mula sa COVID-19 sa bansa.
Sa datos ng Department of Health (DOH), 145 katao na positibo sa COVID-19 ang gumaling mula sa nakamamatay na sakit.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Rev. Fr. “Jigs” Garcia, ang Team Ministry Moderator ng Parish of the National Shrine of Our Lady of Fatima, ikinagalak nito ang bilang ng gumaling sa COVID-19 noong ika-13 ng Mayo.
Sinabi ng Pari na isang paalala ito sa mga mananampalataya na mayroong bunga ang ating sama-samang pagdarasal at mga sakripisyo.
“Mahalagang paalala ito na hindi natutulog ang Diyos at ang Mahal na Birhen ay kasama natin. Hindi suntok sa buwan ang mga panalangin natin sa paglalakbay at hindi tayo iniiwanan, may pahiwatig Siya na ito, kasama niyo Ako at hindi Ko kayo iiwanan.” Pahayag ni Fr. Garcia sa Radio Veritas.
Nagpasalamat rin ang pari sa mga mananampalataya na nakiisa at nakisabay sa pagdarasal at pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Matatandaan na sa unang pagpakita ng Mahal na Birhen sa Fatima, Portugal noong 1917, hiniling nito sa tatlong bata na sina Lucia, Francisco, at Jacinta na mag-alay ng kanilang sarili para sa kaligtasan ng mga makasalanan.
Ang pagdiriwang ng Banal na Misa para sa ika-isang daan at tatlong anibersaryo ng pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima ay pinangunahan ni Diocese of Malolos Bishop Dennis C. Villarojo.
Kasunod nito ang Simultenous Praying of the Holy Rosary at National Consecration to the Immaculate Heart of Mary na may temang “We pray as one. We heal as one. We renew the world as one.” na pinangunahan ng mga Arsobispo at Obispo Simbahang Katolika nitong ika-13 ng Mayo sa Parish of the National Shrine sa Valenzuela City.
Sa kanyang homilya naman, ipinaalala ni Bishop Villarojo ang turo ng Mahal na Birhen ng Fatima hindi maaring gumawa ng kasamaan para lang makamit ang isang kabutihan.
Dagdag pa ng Obispo, ang hindi natin pagkilos at pagsasalita para sa kapakanan ng ibang tao sa kabila ng kasamaan at karahasan na nararanasan natin ay isang kasalanan ng paglimot sa utos ng Panginoon at ng Mahal na Birhen ng Fatima.